Kasama ring dumalo sa GMA Gala 2025 nitong nakaraang Sabado ang Korean actor na si Kim Ji Soo. May plano kaya siyang tuluyang nang manirahan sa Pilipinas?
"I don’t know the future, but I hope so. Yeah, I hope so," saad ng aktor sa GMA News Online.
Habang nasa Pilipinas, hindi nawawalan ng proyekto si Ji Soo na napanood bilang assassin sa GMA action series na "Sanggang-Dikit FR," na pinagbibidahan nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.
Naging bisita rin siya sa nakaraang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Makakasama rin ang dayuhang actor sa upcoming action-drama series na "Never Say Die," na pangungunahan nina Jillian Ward, David Licauco, Raymart Santiago, Richard Yap, at iba pa.
Nitong nakarang June, bumida si Ji Soo sa special two-part series na "Be-Cool: The Express Adventure," kasama sina Sassa Gurl, Richard Juan, at Bey Pascua.
Noong nakaraang taon, naging bahagi si Ji Soo ng action series na "Black Rider," at pelikulang "Mujigae" na kasama si Rufa Mae Quinto.
Nakasama rin siya sa hit afternoon series na "Abot-Kamay na Pangarap" at "Daig Kayo ng Lola Ko."
Pumirma ang South Korean actor sa Sparkle GMA Artist noong 2024. – FRJ GMA Integrated News

