Matapos ihayag nina Barbie Forteza at Maris Racal kamakailan ang hangaring nilang makatrabaho ang isa’t isa, natanong ang Kapuso actress kung bukas ba siya sa isang GL theme project kasama ang Kapamilya star.

Kamakailan lang, ipinakita ni Maris ang pagsuporta kay Barbie sa pamamagitan ng panonood ng horror movie ng huli na "P77."

Binati naman ni Barbie si Maris sa matagumpay din nitong pelikula na "Sunshine."

Sa sidelines ng GMA Gala 2025 kamakailan, tinanong ng GMA News Online ang Kapuso Primetime Princess kung bukas siya na magkasama sila ni Maris sa isang proyekto na may temang GL o Girl's Love.

"Oo naman! That would be a treat to work with Maris," tugon ni Barbie.

Bukod kay Maris, sinabi ni Barbie na handa siya sa GL them project na kasama ang ibang aktres.

"I have a lot of women in mind if I can say that, off the top of my mind are my friends, tama ba 'yun? But marami, marami," saad niya.

Kabilang sa mga kaibigan ni Barbie sa showbiz ay sina Bianca Umali at Kyline Alcantara.

Napapanood ngayon si Barbie at Kyline sa Kapuso series na "Beauty Empire," na napapanood din sa streaming platform na Viu Philippines. — mula sa ulat ni Marisse Panaligan/FRJ GMA Integrated News