Ikinuwento ng Filipino-Canadian actor na si Manny Jacinto ang kaniyang karanasan nang makatrabaho niya ang mga Hollywood star na sina Nicole Kidman at Tom Cruise.
Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inilarawan ni Manny kay Tito Boy na “intimidating” sa umpisa ang makatrabaho ang isang Nicole Kidman.
“It's intimidating. Yeah, at first. Nakakatakot, yes, for sure. Because she's, you know, a movie star, she's a legend, larger than life,” sabi niya.
Ngunit kalaunan, natuklasan niya ang kabutihang-loob ng aktres.
“But, you know, she's so nice and generous and so talented. Like, you have to step up… Sobrang mabait,” patuloy niya.
Nakatrabaho ni Manny si Nicole sa American television series na “Nine Perfect Strangers” noong 2021.
Parang hindi naman makapaniwala si Manny na nakatrabaho niya si Tom Cruise sa isa sa mga “Top Gun” movie.
“I mean they might be doing a Top Gun 3 if anything but I mean just getting to work with Tom was unbelievable,” sabi pa niya.
Ikinuwento rin ni Manny na pinapanood ng kaniyang ina si Tom habang ipinagbubuntis siya nito noon.
“I think when my mom was pregnant with me, she was in the hospital and she was watching Tom Cruise. And I think in her head she was telling me, I would hope one day that maybe Manny could be like Tom Cruise,” ayon kay Manny.
Ikinuwento raw ito sa kaniya ng ina, nang sinabi niya ritong nakuha siya para sa Top Gun.
Mapanonood ngayon si Manny sa pelikulang “Freakier Friday” kung saan makakasama naman niya ang mga Hollywood star na sina Lindsay Lohan, Jamie Lee Curtis at marami pang iba.
Sa naturang panayam din, inihayag ni Manny ang hangarin na makagawa ng proyekto sa Pilipinas, at makatrabaho si Lea Salonga.
Nabanggit din ni Manny na paborito niyang mga artista sa Pilipinas sina Dolly De Leon at Christopher De Leon.
"Yeah, I think the actual goal is I'm trying to write and create stories that could hopefully be filmed in the Philippines as well, both whether to act here or to create stories to act here," saad ni Manny.
Isa sa mga naiisip niya kuwento ang tungkol sa sabong.
"It's a family story. I can't say too much about it because we're still — it's still in the works but yeah something along those lines" dagdag niya. -- FRJ GMA Integrated News
