Ikinuwento ng komedyanteng si Wacky Kiray sa programang “Your Honor” na dumami ang kaniyang kamag-anak nang magsimula na siyang mag-showbiz at kumita.

Ayon sa komedyante, taliwas noong mahirap pa sila, wala silang malapitan na kamag-anak kahit man lang makahingi ng makakain.

Pero nang nagsisimula na raw siyang makita na lumalabas sa mga TV show at nagpe-perform, nilalapitan na siya ng mga kamag-anak at may nag-iimbita pa sa kaniya na dumalo at mag-perform sa birthday party.

Samantala, sinabi rin ni Wacky na nagre-research muna siya kapag may kaibigan na uutang sa kaniya.

“Tandaan ninyo bago kayo magpautang sa mga kaibigan n’yo o hindi n’yo pa kilala mag-research kayo,” payo niya.

Kung kaibigan ang mangungutang, tatawagan daw niya ang common friend nila at ikukunsulta na nangungutang ang kanilang kaibigan.

Kapag sinabi sa kaniya ng kaibigan na, “Te, may utang pa sa akin ‘yan saka may bisyo ‘yan, nagsusugal ‘yan, ganito ganyan,’ hindi na raw ito papautangin ni Wacky at magdadahilan na lang siya na marami siyang bayarin.

Gayunman, sasabihan niya ito na “kapit lang.”

Alamin naman sa video kung papaano "gumanti" si Wacky nang imbitahan siya ng isang kamag-anak na dating hindi sila tinulungan nang minsan siyang imbitahan na dumalo at magtanghal sa kaarawan nito. Panoorin.—FRJ GMA Integrated News