Si Jong Madaliday ang hinirang na kampeon sa “The Clash” 2025, na kabilang sa napanalunan ay P1 million cash prize at isang bagong house and lot. Habang second runner-up naman si Arabelle Dela Cruz.

Unang sumabak si Jong sa Season 1 ng The Clash noong 2018 at itinanghal siyang runner-up.

Kasunod nito, naging bahagi noon si Jong ng GMA shows na “Studio 7” at “All-Out Sundays,” at pagkaraan ay naging content creator noong panahon ng pandemic.

Sa isang panayam ng GMA News Online, sinabi ni Jong na naging passionate siya sa musika dahil sa kaniyang mga magulang.

Aniya, ang side ng pamilya ng kaniyang ina ay mga mang-aawit at mga dancer. Ang kaniya umanong ina at uncle ang sumuporta sa kaniyang talento.

“’Yung mga pangarap ng mga tito ko dati, parang ako nalang ‘yung nagtuloy,” sabi ni Jong.

“I want to prove something to them na, o kinaya ko,” dagdag pa niya. “Gusto kong i-prove sa kanila na kaya akong buhayin ng music ko.”

Itinuturing ni Jong na isa sa mga biggest achievements niya ngayong season ng The Clash ang mapaiyak ang audience, hosts at judges sa kaniyang performance ng “Iris” ng The Goo Goo Dolls.

“Parang sinabay ko sila dun sa kuwento ko na ‘Iris’ is parang ‘yun ‘yung gusto kong sabihin na ‘di ko kayang bigkasin. Nadaan ko dun sa awit,” saad niya.

Pagkatapos ng “The Clash,” sinabi ni Jong na ipagpapatuloy niya ang kaniyang musika, at magkakaroon ng tour.

“I have US tour, so mag-to-tour ako November, sa Las Vegas and around US,” ayon kay Jong. “And then January, Canada, and then February, Europe.”

Sa dating panayam ng GMA News Online, sinabi ni Jong ang hangarin niyang tumulong sa kaniyang komunidad.

“I want to help people din sa amin kasi ang dami ding medyo ‘di gaano kaganda ang buhay nila,” pahayag niya.

Plano rin niyang magtayo ng music studio sa kaniyang hometown sa Kabacan, North Cotabato, dahil marami umano siyang kababayan na may talento. — mula sa ulat ni Nikka Roque/FRJ GMA Integrated News