Binalikan ng “Queen of Soul” na si Jaya ang pagsubok na dumating sa kaniyang pamilya, lalo na nang masunog ang kanilang bahay sa U.S. noong 2022, at kung paano nito pinagtibay lalo ang kanilang pamilya.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, binalikan ni Jaya ang desisyon nilang pamilya na manirahan sa U.S. noong 2021.
“We moved without thinking about the consequences of the move. Eh, pagdating po namin ng Amerika, ‘yun na nga, God had other plans. Dumami po ‘yung trabaho ko during the pandemic,” kuwento niya.
Ayon kay Jaya, nangyari ang insidente noong ika-16 taong kaarawan ng anak niyang si Sabria. Abala raw siya noon sa pag-aasikaso ng isang concert ng kilalang American singer na si Stevie B.
Nakauwi pa si Jaya noon at nakapagdiwang ng kaarawan ng anak.
“Pagbalik galing sa Antonio, Texas, birthday niya, nag-set up ng candles. ‘Happy birthday to you!’ Mga five minutes pa lang. Pag-blow ng candles… ‘Bakit ‘yung sahig may usok? ‘ Yung vent? Sabi ko, ‘Gavin, go downstairs and check what's going on. There's like smoke happening here,’” kuwento niya.
Dito na nakumpirma ng kaniyang anak na si Gavin na nasusunog ang kanilang bahay.
Para kay Jaya, naging paraan ang insidente para tumibay ang kanilang pananampalataya, pati na rin ng komunidad.
“So ‘yung fire wasn't really something for us. It was a test of faith, not only for my family, but for the neighborhood. Because you have to understand po, ang Washington State is one of the most unchurched states. And that's kind of, ‘yun ‘yung nagbuo sa amin ng bonggang-bongga. ‘Yung tipong wala nang makakatibag pa sa faith natin and sa pagmamahal natin sa isa't isa,” sabi niya.
Bukod pa rito, na-stroke din ang kaniyang mister pero naka-recover din pagkaraan ng ilang araw.
Nakalipat na ang pamilya nina Jaya sa bago nilang tirahan noong Agosto 2022 matapos ang insidente.-- FRJ GMA Integrated News
