Inihayag ng contestant sa “It's Showtime” na si “Ondo,” na ang makauwi sa kaniyang probinsiya ang Christmas wish niya ngayong Pasko, na agad namang binigyan ng katuparan ng host na si Vice Ganda.
Sa episode nitong Lunes, naglaro si Ondo sa segment na "Laro Laro Pick," kung saan inihayag niya na 15 taon na siyang hindi nakakauwi sa kaniyang lalawigan sa Davao.
"[Gusto ko] makauwi ng Davao, bibisita lang," maiyak-iyak na pahayag ni Ondo. "Almost 15 years na [kasi] akong hindi nakauwi doon sa amin."
Napag-alaman na stay-in houseboy si Ondo sa Las Piñas, at sumasahod ng P8,000 kada buwan. Aniya, sinusuportahan niya ang kaniyang mga kapatid na walang trabaho sa Davao sa kaniyang pagtatrabaho sa Las Piñas.
Nang marinig ni Vice ang kuwento ni Ondo, nangako siyang sasagutin niya ang plane ticket nito para makauwi, at bibigyan din ng dagdag na regalo,
"Sa Pasko bibigyan kita ng plane ticket para makauwi ka," ani Vice. "Bibigyan din kita ng pang regalo mo sa sarili mo, [para sa] kung ano pang kailangan mo diyan."
"I will make sure madadagdagan nang ngiti 'yung mukha mo sa Pasko, 'yun lang naman ang hiling ko," dagdag niya.
Napapanood ang "It's Showtime" sa GMA Network mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 12 p.m. hanggang 2:30 p.m. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News

