Natupad na ang pangarap ng Kapuso actor na si Rocco Nacino na sumabak sa professional wrestling bout. Ang una niyang nakasagupa sa ring, ang mas malaking si Thiago "The Gym Bro" Santiago. Nanalo kaya siya? Alamin.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang ilang tagpo sa naging laban ni Rocco.

“Dream come true na maka-experience ng ganito pero siyempre kailangan may training din 'to," ani Rocco, na isang mixed martial artist at jiu jitsu athlete.

"So sa match na ito I made sure na makapag-prepare ako, makapag-training, matutong bumagsak nang tama, and, of course, magkaroon ng trust sa mga partners dito," patuloy niya.

Kahit malaki ang kalaban, nagawang talunin ni Rocco si Thiago sa kaniyang frogsplash move.

Bukod sa aksyon sa ring, sinabi ni Rocco na may kasamang mensahe ang kaniyang naging laban.

"Pinakita ko na kailangan nating mag-stand up sa mga bullies. ‘Wag nating hahayaan na tapak-tapakan nila 'yung pride natin, ang dream natin, kaya kanina pinakita ko ang redemption sa pag-stand up sa mga bullies," paliwanag ng aktor.

Nagsimula ang hangarin ni Rocco na sumabak sa pro wrestling nang i-prank niya ang kaniyang asawa na si Melissa Gohing.

Bagaman sinabihan daw siya ni Melissa na una’t huling laban niya ito, ayon kay Rocco, "Panay sabi niya 'last mo na 'yan ah,' pero base sa sigaw ng mga tao, mukhang babalik pa 'ko rito." – FRJ GMA Integrated News