Ibinahagi ni Shuvee Etrata na bumili siya ng mamahaling sapatos na Dior habang nasa Japan ngunit hindi para sa kaniya kung hindi para sa kaniyang kaibigan at kapuwa-"PBB" housemate na si Ashley Ortega.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni Shuvee na nasira niya ang sapatos na ipinahiram sa kaniya ni Ashley.

"First time ko pumunta ko sa Dior, pumasok ako sa Dior kasi nga may nasira po akong heels ni Ash na Dior so dala-dala ko 'yun. Sabi ko talaga sa sarili ko, once magka-pera na 'ko, bibilhan ko si Ashley ng Dior na sapatos," kuwento niya.

Ayon kay Shuvee, wala siyang binili para sa sarili dahil tingin niya ay hindi naman niya kailangan.

"Eh last day ko na, sabi ko, 'Ay mura lang daw dito 'yung mga ano,' tiningnan ko 'yung banko, sabi ko, parang kaya ko naman na pala. Kaya ko naman na pala siguro," pagbahagi niya.

Ayon kay Shuvee, hindi niya naiwasang kabahan sa loob ng Dior store.

"Kinakabahan ako kasi baka paalisin ako... 'Shuvee imagine mo na lang palagi ka rito, magkano 'to?' Ganun ako,Tito Boy, pero I was really happy to buy [those] shoes for her. That was my biggest purchase ever," saad niya.

Naikuwento na raw ni Shuvee kay Ashley ang first experience niya sa Dior pero hindi pa niya naibibigay ang biniling sapatos dahil sa kaniyang busy schedule.

Nitong Hulyo, ibinahagi ni Ashley sa vlog ni Vice Ganda na isa si Shuvee sa kaniyang unang kaibigan sa showbiz, nang magkasama sila sa programang "Hearts on Ice."

Matapos ang naturang show, nagsama sina Shuvee at Ashley sa iisang bahay dahil pareho silang hindi kasama ang kani-kanilang pamilya.

Kabilang ang dalawa sa mga housemate sa nakaraang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."

Ngayong buwan, nagtungo si Shuvee sa Japan para sa brand commitments at susunod sa Bangkok para sa isang endorsement shoot.

Makakasama rin si Shuvee sa upcoming Kapuso series na "Master Cutter" na pagbibidahan nina Dingdong Dantes at Max Collins.

Kabilang din siya sa upcoming horror film na “Huwag Kang Titingin,” at sa Metro Manila Film Festival entry “Call Me Mother,” nina Vice Ganda at Nadine Lustre. —FRJ GMA Integrated News