Ibinahagi ni Rufa Mae Quinto ang ilang impormasyon tungkol sa relasyon nila ng yumao niyang asawa na si Trevor Magallanes, halos dalawang buwan matapos ang biglaang pagpanaw ng huli.
Sa kaniyang video statement na pinamagatang “Nagpakatotoo si Rufa Mae!”, inamin ng aktres at komedyante na hindi perpekto ang naging pagsasama nila ni Trevor bilang mag-asawa sa loob ng siyam na taon.
“Nagmahalan po kami mula umpisa na nagsama kami. Never po kaming naghiwalay na—talagang kami pong dalawa… as in, on the very first day, alam ko na siya ang mahal ko,” saad ni Rufa Mae.
Ngunit nagsimula umanong lumala ang kanilang hidwaan nang magpunta sila sa Hawaii para sa kanilang family trip noong November 2024.
Ipagdiriwang nila doon ang kaarawan ni Trevor, ang kanilang anniversary, at Thanksgiving, pero may lumabas na arrest warrant laban kay Rufa Mae kaugnay ng reklamong estafa.
Hindi raw naging maganda ang reaksyon ni Trevor sa naturang balita.
“Kinukuwento ko pero siyempre ‘pag galit na, hindi na niya masyadong ma-absorb,” ani Rufa Mae. “English pa, siyempre uutal-utal din akong magsabi. Nagmukhang guilty pa ang dating ko din. Kaya siyempre nagalit."
"Nag-ayos po kami. Kaya nga hindi kami nag-divorce kasi na-realize din niya na asawa niya ‘ko,” dagdag ng aktres.
Nag-usap daw sila sa telepono at nagkita pa sila noong Father's Day. May plano rin sana silang mag-date ngunit hindi na ito natuloy.
“’Di na namin siya nakita after. Kumbaga, hindi na niya kami nasundo,” saad ni Rufa Mae.
Noong Enero, inihayag ni Rufa Mae na may pinagdadaanan ang relasyon nila ni Trevor pero wala umano siyang balak na mag-file ng divorce. Noong Mayo, sinabi naman ng aktres na nananatili silang mag-asawa ni Trevor pero kung, “Ayaw na rin niya, so ayaw ko na rin at ginagalang ko ‘yun.”
Hulyo 31 nang ihayag ni Rufa Mae ang pagpanaw ni Trevor pero hindi pa niya batid ang mga detalye ng pangyayari. Muli rin niyang nilinaw na mag-asawa pa rin silang dalawa.
Sa naturang video statement, sinabi ni Rufa Mae na “natural” ang dahilan ng pagkamatay ni Trevor at walang foul play o suicide.
Sinabi ng kapalid ni Trevor na ipinakilala rin ni Rufa Mae sa video na nasa lahi nila ang sakit sa puso.
Ikinasal sina Rufa Mae at Trevor noong 2016 at mayroon silang isang anak na babae. — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

