Kilala ang aktres na si Carla Abellana sa matapang niyang paghahayag ng saloobin tungkol sa mga maiinit na isyu ng lipunan. May plano kaya siyang pumasok sa pulitika? Alamin.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong si Carla ni Tito Boy kung ano ang kaniyang gagawin kung may magmungkahi sa kaniyang pumasok sa pulitika.

“Honestly, may times, tempted po ako. Kasi for the wrong reasons… kasi sa totoo lang sa lahat ng kalokohang nangyayari po sa bansa natin, sa politics pa lang, ang daling sabihin, ‘Gusto ko na rin mag-politics because I want to make as much as they're making. Gusto ko rin ng lavish lifestyle. Gusto ko rin mag-travel. Gusto ko rin ng mga billion-billion.’ For the wrong reasons,” sabi niya.

“As a human being, it's so tempting po,” pagpapatuloy ni Carla.

Sa kabila nito, sinabi niyang hindi rin kakayanin ng kaniyang konsensiya ang mga marurumi o maanomalyang transaksiyon na nagaganap sa pulitika.

“But then, I have integrity. May konsensiya po ako. I cannot, I do not see myself in politics. And obviously, ayoko naman po kung sakaling papasok ng politics, for the wrong reasons po,” patuloy niya.

Binansagan si Carla kamakailan bilang “Queen of Call Out” ng netizens, dahil sa mga matatapang niyang panawagan sa ilang kompanya at gobyerno dahil sa mga aberya o korupsyon umano sa mga serbisyo nito.

“I'm outraged sa totoo lang po. Galit na galit po ako. Ngayon ko nga lang po, actually, na-e-experience ang ganitong klase ng galit. Kasi ako ay obedient taxpayer. I pay, my goodness, so much in taxes. Masakit po ‘yun for us. Whether maliit lang po o malaki ang taxes na binabayaran nyo, the fact na nagbabayad po kayo ng taxes, dapat magalit po kayo. All the more for us kasi grabe po, 'yung eagle eyes po sila sa atin in terms of taxes. Wala po tayong lusot,” sabi niya tungkol sa isyu ng katiwalian sa flood control projects.

“Madalas, iniiyakan ko po ‘yan ‘pag time na po nagbabayad ng taxes. So, the fact na nakikita po natin kung saan napupunta, eh, parang ang hirap pong hindi kayo magalit,” pagpapatuloy ni Carla pagdating umano sa pagbabayad na ng buwis.

Panawagan niya, dapat na may mabilanggo sa isyu ng flood control projects.

“Dapat po may makulong talaga. Dapat po may managot. Hindi lang po sila haharap sa isang hearing or pag-uusap or investigation. There has to be accountability and there has to be punishment po talaga,” giit niya.—FRJ GMA Integrated News