Inihayag ni Ashley Ortega na deadma siya at hindi nagpapaapekto sa nakaraan ng kaniyang nobyo na si Mavy Legaspi, na may kontrobersiyal na hiwalayan sa dati nitong karelasyon na si Kyline Alcantara. Pero “friends” kaya sila ni Kyline?

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy Abunda si Ashley kung mayroon ba siyang pangamba na nanggaling si Mavy sa isang kontrobersiyal na break-up.

“Wala naman po, Tito Boy. Hindi po talaga ako nakaramdam ng takot. Though I was aware of his past relationship, ano naman po, Tito Boy, ‘yung problema nila parang it's for them na... Parang I don't want to join already. And dedma na lang din kasi talaga ako, Tito Boy,” tugon ni Ashley.

“Whatever problem was in the past, let’s just keep it in the past,” dagdag niya.

Ayon pa kay Ashley, ang isa’t isa na ang pinagtutuunan nila ni Mavy nang pumasok sila sa kanilang relasyon.

“And ‘yung sa amin ni Mavy, when he was courting me, we were focusing on each other. And of course, focusing sa future na pangyayari. Hindi na naman binabalikan ‘yung mga past,” aniya.

Diretsahang tanong ni Tito Boy kay Kyline, “Are you and Kyline friends?”

“We're not friends-friends na super close. But we bump into each other and we say hi to each other,” tugon ni Ashley.

“Sa Gala, nag-hi kami, nagkumustahan. Sabi ko ‘Wow ang ganda ng gown mo,’ sabi niya, ang ganda rin ng gown ko,” kuwento niya.

“Kasi magkatabi sila ni Barbie that time. Birthday rin ni Barbie noon. So, I greeted Barbie. Kumustahan. Parang, 'ang gaganda niyo girls tonight.' Gano’n lang,” dagdag ni Ashley.

Naging usap-usapan sina Kyline at Mavy noong 2023 matapos mapansin ng netizens na tila hindi na sila nagpapansinan at pino-post ang isa’t isa sa social media.

Noong Agosto 2024, nagsalita na si Kyline tungkol sa kanilang hiwalayan, at sinabing dapat nang mag-move on ang lahat tungkol dito.

Kinumpirma naman ni Ashley ang relasyon nila ni Mavy nitong nakaraang Pebrero.—FRJ GMA Integrated News