Naghain ng magkahiwalay na reklamo sa piskalya ng Caloocan at Pasay ang aktres na si Nadia Montenegro laban sa ilang pahayagan at isang tauhan sa Senado. Kaugnay ito sa lumabas na ulat mula sa Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) tungkol sa insidente ng umano’y amoy ng hinihinalang marijuana na naggaling sa loob ng isang banyo sa Senado.
Kasama ni Nadia na nagtungo sa mga Caloocan Prosecutor’s Office at Pasay City Prosecutor's Office ngayong Miyerkules ang kaniyang abogado na si Atty. Maggie Abraham-Garduque.
“Aktres na si Nadia Montenegro, nagsampa ng reklamong libel sa Caloocan Prosecutor’s Office laban sa ilang pahayagan na nag-ulat na umano'y nahuli siyang nagma-marijuana sa CR ng Senado. Giit niya: “Fake news ito,” saad sa post ni GMA Intergated News reporter Oscar Oida.
Ayon pa kay Oida, matapos maghain ng reklamo sa piskalya ng Caloocan, nagtungo ang aktres sa piskalya ng Pasay para maghain naman ng mga reklamong unjust vexation at violation of safe spaces act laban naman sa isa umanong Senate staff.
Sinabi ni Nadia na may nagbabala sa kaniya na mag-ingat dahil may naiingit sa kaniya.
"I asked him why, and then he said, 'Between you and me lang. Ingat ka, maraming naiinggit sa yo dito.’ And I said, ‘Bakit?' Kung meron nga daw akong nakasalubong na staff ng isang senator sa hallway ng CR na nabugahan ko ng amoy marijuana,” kuwento ng dating aktres.
“That is why I showed him my vape. Nagulat na lang ako that there was a photo that came out on TV and all over the news, na that was the time that I was apprehended, which is not true,” giit niya.
Bago nito, tinukoy si Nadia, dating tauhan ni Senador Robin Padilla, sa inilabas na report mula sa OSAA, na sangkot sa insidente ng hinihinalang gumamit ng marijuana sa banyo ng kapulungan. Sa naturang report din ng OSSA, itinanggi naman ni Nadia ang hinala laban sa kaniya.
Base sa naturang report na may petsang August 13, napansin umano ng security personnel na si Victor Patelo ang dalawang magkahiwalay na insidente ng “unusual scent/odor allegedly emanating from the ladies’ comfort room near the Senators’ extension offices.”
Nangyari umano ang unang insidente noong ikalawang linggo ng July 2025 habang nasa puwesto si Patelo sa 5th floor ng Senate building. Nang panahong iyon, nakatanggap si Patelo ng tawag mula sa isang male staff member tungkol sa isang “strong odor in their area.”
Noong Agosto rin, nagbitiw sa kaniyang trabaho kay Sen. Padilla si Nadia, bunsod na rin ng kontrobersiya.
“My decision to resign should not be misconstrued as an admission of guilt—-it is not. Rather, it is a demonstration of my deep respect for the Senate and Senator Padilla’s office, so that this issue does not cause further distraction or harm. To prevent this baseless issue from growing any further, I would rather remove myself from the spotlight and allow the Senate to focus on its important work,” paliwanag ni Nadia. – FRJ GMA Integrated News
