Sinagot ni Klea Pineda ang tanong ng TV host na si Boy Abunda kung naka-move na siya sa paghihiwalay nila ng kaniyang ex na si Katrice Kierulf.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, muling nagsalita si Klea tungkol sa kanilang hiwalayan, at sinabing dumadaan siya sa healing process at tinutugunan ang mga hindi matapos-tapos na tsismis tungkol dito.

“Paunti-unti, Tito Boy. May mga pasulpot-sulpot na feeling, ganiyan. ‘Di naman bago ‘yun. Normal naman ‘yun after ng breakup. Pero I think nagiging better naman ako every day,” sabi niya.

Tinanong din ni Tito Boy si Klea kung magkaibigan ba ang turingan nila ngayon ni Katrice.

“No,” tugon ni Klea. “We’ll get there. Parang sa ngayon, masyado pa siguro kasing fresh.”

Pero nilinaw din ni Klea na hindi rin sila magkaaway ni Katrice.

"Hindi naman kami magkaaway. Parang wala lang siguro, sa ngayon, wala pang reason para mag-usap ulit or mag-connect kami ulit. And nirerespeto ko rin ‘yung process niya, healing process niya, para sa sarili niya," paliwanag niya.

Sa parehong panayam, muling nagsalita si Klea tungkol sa mga espekulasyon at tsismis online na third party umano si Janella Salvador sa paghihiwalay nila ni Katrice.

“I think nadamay lang naman ‘yung pangalan ni Janella kasi nga magkasama kami sa film and naghiwalay kami ni Katrice right after namin mag-shoot ng film,” ani Klea.

Sabi pa niya, maraming dahilan kung bakit sila naghiwalay ni Katrice, pero wala ni isa rito ang may kinalaman kay Janella.

"Walang third party na nangyari. 'Yun 'yung pinipilit sabihin ng mga tao online. Hindi ko maintindihan kung sa'n nila nakuha 'yon pero mas malaki 'yung reason kung bakit naghiwalay kami ni Kat, na wala do’n si Janella," pahayag ni Klea.

Kinumpirma ni Klea ang breakup nila ni Katrice noong Hulyo.

Sa sumunod na buwan, sinabi ni Klea sa GMA News Online na walang kinalaman si Janella rito.

Magkasama sina Klea at Janella sa Cinemalaya 2025 entry na “Open Endings” kasama sina Jasmine Curtis-Smith at OPM singer na si Leanne Mamonong. – FRJ GMA Integrated News