Inanunsyo ng SB19 na hindi na matutuloy ang Riyadh leg ng kanilang “Simula at Wakas” concert.

Inihayag ng kanilang label na 1Z Entertainment nitong Lunes na kanselado na ang concert na nakatakda sanang gawin sa Oktubre 9 sa Intercontinental Durrat Al Riyadh, Saudi Arabia.

“Unforeseen circumstances have led us, together with our partners and producers, to make this difficult decision,” saad ng 1Z Entertainment sa Facebook post.

Tiniyak naman ng label na makatatanggap ng refund ang fans na bumili na ng kanilang mga tiket.

“We understand how much this event meant to you, and we share in your disappointment. For those who purchased tickets, we want to assure you that you will receive a refund to your original method,” dagdag pa nito.

Sa pagtatapos ng kanilang post, nagpahayag ang 1Z Entertainment ng kanilang pasasalamat sa mga tagahanga na sumusuporta sa SB19 at patuloy na magpo-post kung isasama ang Riyadh sa mga susunod na tour ng grupo.

Nauna nang nagsagawa ang SB19 ng two-night concert sa Philippine Arena noong Mayo para simulan ang kanilang "Simula at Wakas" world tour bilang suporta sa kanilang EP na may parehong pangalan.

Kasama rin sa world tour ang stops sa California, Canada, Hawaii, Singapore, Dubai, at marami pang iba. Sa Taiwan ang unang international stop noong Hunyo 29.

Inilunsad ng SB19 ang kanilang "Simula at Wakas" EP noong Abril na kinabibilangan ng mga kantang "DAM" at "DUNGKA!" -- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News