Hindi nakaligtas sa panunukso sina Kylie Padilla at Jak Roberto sa kanilang co-star sa “My Father's Wife" series na si Gabby Concepcion.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Gabby na karaniwang nakararanas ng separation anxiety ang mga magkakatrabaho sa serye kapag natatapos na ang kanilang proyekto.

Dito na tinanong ng veteran actor ang nararamdaman nina Jak at Kylie. Biniro pa niya na KyJak na ang tawag sa dalawa mula sa dating JakLie.

"Close lang talaga kami. Sobrang komportable namin sa isa't isa," sabi ni Jak tungkol kay Kylie.

Nang ilipat naman ni Jak kay Kylie ang tanong, nagulat ang aktres.

"Ito na lang. What you see is what you get. Parang sounds familiar," biro ni Kylie. "It is what it is."

Sinabi rin ni Jak na importante sa kaniya si Kylie, na aminadong pinagpawisan sa tanong.

Gumanap na mag-asawa sina Kylie at Jak sa "My Father's Wife," na napapanood sa GMA Afternoon Prime sa ganap na 2:30 p.m. pagkatapos ng "It's Showtime." — FRJ GMA Integrated News