Ibinahagi ng Tiktok sensation na si Armando Macasusi, o mas kilala bilang si Arman Salon, na sa kabila ng kaniyang pagiging miyembro ng LGBTQIA+ community ay nagkaroon siya ng limang anak sa dalawang babae.
Sa video podcast ni Kara David na “i-Listen,” binalikan ni Kara ang una nilang pagkikita at kulitan ni Arman sa show nito na “Pinas Sarap.”
Habang naka-break sa taping, napatawag si Arman dahil may nasusunog umanong bahay. Dito natuklasan ni Kara na mayroong anak ang Tiktoker.
“Lima po ang anak ko. Dati naman talaga bading talaga ako. Kaya lang pinipigil ko 'yung sarili ko kasi dalawa na kaming bading. Kumbaga, sinabi ko sa sarili ko na tama na 'yung isa na lang. Ako gusto kong magkaroon ng asawa,” sabi ni Arman.
“Noong araw kasi kapag bading ka, parang nakakahiya sa pamilya. Iba eh, hindi pa tanggap dati. Ngayon lahat nagagawa na,” pagpapatuloy niya.
Sa kabila ng kaniyang kasarian, umibig si Arman sa isang babae at niligawan daw niya ito.
“Opo, girlfriend ko po. Na-in love ako dahil mabait siya pero bading na talaga ako. Kaya lang hindi ko 'yun nilaladlad. Kumbaga, napamahal na rin ako,” sabi niya.
“Saka, parang gusto ko rin magkaroon ng pamilya kahit isang anak,” dagdag niya.
Pero niloko umano si Arman ng kaniyang unang asawa. “Siyempre, naghanap pa rin ng tunay na lalaki.”
“Una, masakit. Napamahal na ako sa kaniya. Gusto ko siyang awayin. Siguro gano'n talaga. Lagi na lang ako nasasaktan. Lagi akong iniiwanan. Parang ako na lang ang nagbibigay ng pagmamahal. Feeling ko parang minamahal lang ako ‘pag may kailangan,” lahad niya.
Nagkaroon si Arman ng tatlong anak sa una niyang asawa. Hanggang sa muli siyang umibig sa isang babae, na nag-alaga noon sa kaniyang mga anak.
Nagkaroon naman sila ng dalawang anak.
“May babae pong nagkagusto sa akin. Hindi na umaalis. Kasi nag-concern-concern ako sa kaniya. Namamasukan siya sa akin, katulong ko ‘yon. Pero nag-aalala ako sa kaniya. ‘Uy, kumain ka nito, pagkain mo.’ Tapos siya rin nag-aalaga ng anak ko,” sabi ni Arman.
Kalaunan, nahulog ang loob nila sa isa’t isa. “Tapos lagi na nakadikit hanggang naging kami na,” ani Arman.
Pero gaya ng una niyang kabiyak, naghanap pa rin umano ng tunay na lalaki ang kaniyang ikalawang asawa.
“Pero ganoon talaga, naghanap pa rin ng tunay na lalaki. Kasi hindi ko maibigay, minsan kasi wala akong time na tumabi. Ayoko talaga, minsan, gusto kapag nakahiga ako, nakahiga lang. Ayoko na 'yung may tatabi, may yayakap. Hinayaan ko na lang kasi alam kong babae siya eh,” kuwento niya.
Matapos nito, sinara na ni Arman ang kaniyang puso sa mga babae.
“Hindi na. Ayaw ko na. Okay na ang mga anak ko. Tsaka may edad na ako, sa mga anak ko lang iikot ang mundo ko,” sabi ni Arman.
Si Arman ang nagtaguyod sa kaniyang mga anak.
“Opo, bading ako nu’n. Pero ginagampanan ko ang pagkalalaki ko sa pamilya. Ginagawa ko 'yung the best kahit may sakit ako, kahit may trangkaso ako, naghahanap-buhay ako kasi ayaw ko magutom ang pamilya ko,” sabi niya. – FRJ GMA Integrated News
