Nagbalik-tanaw si Jak Roberto sa nagdaang relasyon nila ni Barbie Forteza, at inihayag ang aral na kaniyang natutunan tungkol dito.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ng aktor na lahat ng relasyon ay may aral na iniiwan.

“For me, Tito, every relationship, may learnings ‘yan eh. Kumbaga, na-mold ako bilang lalaki sa relasyon naming [ni Barbie]. Kasi parang ‘yun ‘yung time na nag-jump ako doon sa mga kinakatakutan kong gawin, which is business, magpatayo ng bahay. Medyo malaking responsibilities ‘yun for me na parang ayoko munang gawin,” kuwento niya.

Itinuturing ni Jak na naging inspirasyon sa kaniya si Barbie para gawin ang mga desisyon na takot siyang gawin noon.

Kahit nauwi sa hiwalayan ang pitong taon nilang relasyon, nagpapasalamat pa rin si Jak sa mga panahon na kasama niya si Barbie.

“Malaking parte siya ng pitong taon na ‘yon. Siyempre, malaking parte rin siya sa puso ko kasi hindi naman biro ‘yung seven years. And masaya ako kung ano man ‘yung nangyari sa amin dahil sa bawat relasyon naman, mapatagal man or maikli, lagi kang may matututunan and lagi may opportunity na parating sa ‘yo,” paliwanag niya.

Sinabi rin ni Jak na bukas siya na maging kaibigan si Barbie, na sandali niyang nakausap sa 75th anniversary celebration ng GMA.

“Nakita ko siya, nakaupo sa likuran ko. And after no’ng wala na siyang kausap, nagbabasa siya ng script that time, sabi ko, mag-hi lang ako. So ayon, sabi ko, 'Hi, kumusta?' And she congratulated me dun sa show. Congratulate ko rin siya dun sa movie niya and sa mga show niya,” pagbahagi ni Jak.

“Gumaan ‘yung pakiramdam ko na meron na akong lakas ng loob para makipag-usap sa kaniya. Parang gano'n, naging closure siya for me,” dagdag ng binate.

Sinabi rin ni Jak na nakausap niya si Jameson Blake, na malapit ngayon kay Barbie.

“Kasi nung last time namin nag-usap, parang eight years daw siyang walang girlfriend. Tapos sabi ko sa kaniya, mabait naman si Barbie. As in, alagaan mo lang. Kung anong sinabi ko last time do’n sa interview, ‘yun naman talaga sinabi ko sa kaniya,” pahayag ni Jak.

Para kay Jak, magiging masaya siya para kay Barbie kung may bago itong makikilala dahil matagal na rin naman silang hiwalay, at 28-anyos na ang dalaga.

Sa pitong taon ng kanilang relasyon ni Barbie, sinabi ni Jak na wala siyang pinagsisisihan.

“Pero siyempre, lagi naman tayong may gusto pa sanang ibigay pa na more than doon sa kung paano ‘yung treatment mo sa karelasyon mo. Sa akin kasi lagi, ‘di ba, tinatanong mo anong secret namin before sa mahabang relasyon, it's commitment talaga and ‘yung communication. Which is for me, kung mabibigay ko lahat ng oras ko na puwede kong gawin, ganoon sana,” dagdag niya.

Nitong nakaraang Enero nang ihayag ni Barbie na hiwalay na sila ng 31-anyos na si Jak. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News