Inihayag ni Chariz Solomon ang kaniyang pasasalamat kay Lovely Abella nang minsan siyang mangailangan para sa pamilya at pinautang siya ng matalik na kaibigan nang walang interes.

Sa guesting ng magkakaibigang sina Chariz, Lovely at Valeen Montenegro sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles, ikinuwento ni Chariz na bumili siya noon ng property para sa pamilya.

“So, kumuha ako ng property for my family, tapos naikuwento ko sa mga best friends. Tinawagan ko sila isa-isa, nagulat kasi ako na bago ka pa maipon ‘yung downpayment lumabas agad 'yung loan,” pagbabahagi ni Chariz.

“Thankfully ang bilis, wala na akong time kasi may expiration. Tapos, umiyak silang mag-asawa (Lovey at Benj) during the video call. Sabi ko, ‘Bakit kayo umiiyak?’ Sabi nga nila, ‘yun nga they are Christians, ‘Sabi ni Lord tulungan ka namin,’” pag-alala pa ni Chariz na sinabi sa kaniya ni Lovely.

Ayon sa Bubble Gang star, walang tubo ang pagpapahiram sa kaniya ni Lovely. Pero biro ni Chariz sa audience, hindi sila close kay Lovely kaya huwag silang manghiram ng pera rito.

“Walang interes ‘yun ha, pero hindi kayo close kay Ga, so huwag niyong i-try. Ako lang ‘yon tsaka si Valeen. Tsaka, hindi pa ako bayad,” natatawang sabi ni Chariz.

Si Lovely naman, nagbalik-tanaw sa tulong din nina Chariz at Valeen sa kaniya noon.

“Noong time na nagba-Bubble ako, wala akong damit na gagamitin for the show, wala akong make-up. Sila ‘yung nagbibigay sa akin,” ani Lovely.

“As in kapag birthday ko doon ako nakaka-experience ng mahal na shoes kasi binibigay ni Cha. Kapag nasa ibang bansa siya may make-up siya na ibinibigay sa akin. Si Val tuwing nagso-show gusto niya presentable ako,” dagdag niya.

Kaya naisip niyang bumawi naman para sa kaniyang mga kaibigan.

“So parang sabi ko, ‘Lord, thank you na ako naman this time mag-share sa kanila.’ Noong moment na ‘yon sabi ko, hindi ako naawa sa sarili ko, kasi may mga kaibigan ako to help me. Sila ‘yun, Tito,” sabi ni Lovely. – FRJ GMA Integrated News