Kinoronahan si Sugar Mercado na Mrs. Universe Official 2025, bilang kinatawan ng Pilipinas.
Sa Facebook, nag-post si Sugar ng larawan na suot ang gown at korona habang nakahiga sa kama.
“Mga misis, umaga na pero di ko pa tinatanggal ang korona ko sa ulo ko as Mrs. Universe Official 2025 Winner. Hangga't indi pa eto mag sync in sa sarili ko na totoo pala eto at indi eto isang panaginip, isusuot ko buong araw,” saad ni Sugar sa post.
Hindi pa rin umano makapaniwala si Sugar sa kaniyang pagkapanalo dahil tinatanong niya noon ang sarili kung para ba kaniya ang pageantry nang sumabak siya sa naturang kompetisyon.
“Sanay kasi ako makipag bardagulan at makipag kulitan sa entablado tulad ni kapatid Herlene Hipon Budol. Yung squammy ang atake pero pwede pala mangyari eto kung may tamang tao mag gagabay at nakakita ng potential sa kakayahan tulad namin ni Hipz ay di kami marunong mag ingles,” kuwento ni Sugar.
Napagtanto umano ni Sugar na marami silang pagkakatulad ni Herlene.
“Isa lang naman kaming komedyante na pwede mo nga kami utusan bumuli ng toyo sa kanto ng sari sari store. Palag na kami sa ganun at yung walang arte sa katawan. basta yung may pang chicha. Pero kapag malapit ka kay LORD, sya na pala mismo mag bibigay ng daan at guardian angel namin at gawin cya g instrument,” patuloy niya.
Nagpasalamat si Sugar sa kaniyang mentor na si Wilbert Tolentino, na naniwala at tumulong sa kaniya.
“Yung mga word of wisdom at motivational talk mo sa amin bilang komedyante at sa palagay namin na 125mb lang ang brain cells namin. Parang ramdam namin nagiging 4 terabite basta kailangan lang makinig sa mga pointers at learnings at kailangan lang dagdagan at samahan ng tyaga at haba ng pasensya makukuha din natin ang indi possible ay pwede maging possible,” ayon kay Sugar.
Pinasalamatan din ni Sugar si Madam Inutz sa suporta nito sa kaniya.
Bukod sa korona, nanalo rin si Sugar sa Best Talent, Best National Costume, at Best Long Gown competition na ginawa sa San Pedro, Laguna.
“This is your super mom in the UNIVERSE Where the stars are brighter for a single parent like me!” saad niya. “Again, maraming salamat sa mga nag mahal at nag tiwala sa kakayahan ng isang Sugar Mercado na abot ang kanyang pangarap at huwag tayo sumuko sa lahat ng hamon sa buhay.” — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News
