Nagbigay ng kanilang payo bilang mga ina sina Chariz Solomon at Lovely Abella sa kanilang malapit na kaibigan na si Valeen Montenegro, na unang beses na magiging ina.

“Ako talaga ito ha, laging may mangyayari na kahit hindi mo kasalanan, feeling mo kasalanan mo. It will always feel that way,” payo ni Chariz kay Valeen sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“Feeling mo lahat kasalanan mo…Actually nabanggit ko na ito sa kaniya, there will always be things na hindi mo talaga mako-kontrol, and hindi mo kasalanan ‘yon,” ayon pa kay Chariz.

Sinabi ni Chariz na kung minsan, kailangan lamang hayaan na matutong magkamali ang anak.

“You have to lift it all up to God and 'yung lahat ng mangyayari, kailangan mangyari kasi he will grow, and kailangan matutunan niya. Kailangan mauntog paminsan, madapa paminsan. Ang importante, andiyan ka palagi para sa kaniya. That's all that matters. And enjoy it,” anang Bubble Gang star.

Wala namang tutol si Lovely sa payo ni Chariz na pabirong sinabi na, “Ako naman, I second the motion.”

“Kasi ang dami talaga Ga eh minsan na may matututunan ka sa kaniya. 'Yung feeling na parang hindi mo kaya, nakakaya mo dahil sa kaniya, so siya ang magtuturo sa'yo maging isang ina,” sabi pa ni Lovely.

Ibinahagi naman ni Valeen ang kaniyang pasasalamat kina Chariz at Lovely na pinakisamahan siya sa kaniyang pagiging isang first-time mom.

“Sinabayan nila ako sa trip ko. Workout tayo, high energy tayo, ganito ‘yung gagawin natin as moms. And hindi pa rin nawala ‘yun. So talagang I really cherish them both as friends. I’m so blessed to have them as friends. Kaya hindi rin ako natatakot entering this other chapter of my life kasi I know they are there,” sabi ni Valeen.

Nagkasama sina Valeen at Chariz sa segment ng Bubble Gang na Balitang Ina!

 

FRJ GMA Integrated News