Nilinaw ng Kapuso host at komedyante na si Pokwang na hindi siya nag-e-endorso ng online gambling. Ginawa niya ang paglilinaw dahil sa lumabas deepfake video niya sa social media.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang deepfake video ni Pokwang na hango raw sa isa niyang live selling at pinatungan ang kaniyang boses gawa ng artificial intelligence (AI) para palabasin na nag-e-endorso siya ng online gambling.
“Yung makakapanood paki-block na lang. Hindi po talaga ako nag-e-endorse ng online gaming. Bilang ina alam ko pong hindi maganda ang sugal sa pamilya. Nakakasira po ‘yan,” ayon kay Pokwang.
“Mag-ingat po tayo kasi ang lala talaga ng AI ngayon. Sobrang ang lala,” dagdag niya.
Nag-post din si Pokwang sa Instagram Stories para ipaalam sa kaniyang mga follower ang tungkol sa naturang mapanlinlang na paggamit sa kaniyang video.
"AI alert!!!!" saad ni Pokwang sa post. "Hindi po totoo na nag endorse ako ng online gambling na ito!"
Sa report ng 24 Oras, ipinayo ang mga tinatawag na “red flag” sa post na ginamitan ng AI o deepfake gaya ng hindi sabay na audio sa pagsasalita ng taong nasa video.
Alamin kung mapagkakatiwalaan ang account o taong nag-post o nag-share ng video. Suriin din kung talagang iniindorso ng personalidad ang naturang uri ng produkto o serbisyo. —FRJ GMA Integrated News
