Itinuring na blessing in disguise nina Chariz Solomon at Buboy Villar ang pagpatok ng kanilang vodcast na "Your Honor" sa netizens. Inihayag din ng dalawa na may bago silang makakasama sa “Bubble Gang.”

Ayon kina Chariz at Buboy, isa sa humubog sa kanilang tambalan ang matagal na rin nilang pagiging magkasama sa ilang proyekto, gaya ng “Bubble Gang,” ayon sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News Unang Balita.

“Yung ganito kasing klaseng vodcast pangmatagalan po siya, so ngayon hindi siya tatagal kung hindi rin magtatagal ang boses ko,” biro ni Buboy na paos ang boses sa panayam.

Nahubog daw ang kanilang samahan sa pinagsamahan nilang mga show gaya ng Bubble Gang, na nagdiriwang ngayon ng ika-30 taong anibersaryo sa telebisyon.

Ayon sa dalawa, una silang nagkasama sa “Jejemon,” na teenager pa lang daw si Chariz noon at wala pang asawa’t mga anak. Habang si Buboy, bata pa noon at kasama pa ang ina sa taping.

Samantala, tiyak na ikasisiya ng mga tumatangkilik ng Bubble Gang ang anniversary episode ng gag show na BG:30. Magkakaroon din umano sila ng bagong miyembro sa gag show.

“Mayroon tayong makakasama na limang bagong ka-Bubble. Hand-picked 'yan grabe,” ayon kay Chariz.

Tungkol pa rin kay Chariz, nag-post ang aktres sa Instagram para magbabala sa publiko laban sa fake online gambling advertisement na ginamit ang kaniyang larawan.

"FAKE!!!!" saad ni Chariz sa post na may screenshot ng naturang online gambling ad.

"Hindi po ako nagpopromote ng online gambling, kahit offline gambling pa 'yan. Maging mapanuri po tayo. Maraming salamat po!" dagdag pa ni Chariz sa caption. – FRJ GMA Integrated News