Ipinakilala na ang dalawa sa mga magiging housemates sa bagong "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakilala si Sofia Pablo bilang unang Kapuso housemate, habang si Joaquin Arce ang unang Kapamilya housemate.

Binansagan bilang "Ang Strong-Willed Sunshine ng Quezon City," nagsimula ang showbiz career ni Sofia noong 2016.

Kabilang sa mga proyekto niya ang Kapuso series such na "Prima Donnas," "Luv Is: Caught in His Arms," at "Prinsesa ng City Jail."

Mapapanood siya kasama si Allen Ansay sa upcoming horror film na "Huwag Kang Titingin."

Samantala, binansagan naman si Joaquin bilang "Ang Rising Dreamer ng Muntinlupa," na anak ng Filipino film producer na si Neil Arce, na asawa ni Angel Locsin.

Napanood na si Joaquin sa mini-series na "Tropang G.O.A.T."

Mapapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0" simula sa October 25, na kabibilangan ng Gen Z celebrities mula sa Sparkle at Star Magic, bilang mga bagong bisita sa Bahay ni Kuya. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News