Inamin ni Robin Padilla na matagal bago niya muling natanggap sa kaniyang buhay ang kapatid niyang si BB Gandanghari.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ng actor-senator na bagama’t inabot siya nang matagal na panahon bago natanggap ang kapatid, masaya siyang maayos na muli ang kanilang samahan.
"Na-miss ko siya eh," ani Robin. "Noong nag-out siya [as transgender woman], hindi na kami nag-usap."
“Kaya noong dumating ‘yung [time] na naging close kami ulit, ‘yun pala 'yung isang nami-miss ko sa buhay ko, ‘yung relationship ko sa kaniya,” patuloy niya.
Noong Enero, sinabi ni BB na tinatrato na siya ngayon ni Robin bilang nakababatang kapatid, lalo na ngayong nagbago na ang kaniyang pagkatao.
"Kapag nasa pila kami, ladies first. Nagpunta kami sa mosque sa Taiwan, naka-hijab ako, pumasok ako doon bilang babae and ano, nire-recognize niya lahat 'yon," kuwento niya.
Unang naghayag ni BB, dating kilala bilang Rustom Padilla, ang pagiging miyembro niya ng LGBTQ+ community sa programang “Pinoy Big Brother” noong 2006. Tatlong taon matapos nito, inamin niyang transgender woman na siya.
Noong Hulyo, nagtapos si BB bilang summa cum laude sa kursong Bachelor of Science in Entertainment Business mula sa Los Angeles Film School. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News
