Inihayag ni AiAi Delas Alas na binawi na ang green card petition ng kaniyang dating asawa na si Gerald Sibayan na nasa Amerika. Pag-amin ng aktres, paraan ito ng kaniyang pagganti dahil labis siyang nasaktan.
Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes, inamin ng Comedy Queen na paraan niya para maiganti ang sarili na nasaktan kaya siya pag-file upang bawiin ang green card application ni Gerald.
“Noong una ayoko talagang gawin ‘yon. Pero noong bandang huli, naisip ko parang ayoko namang maging santa or something. Kasi parang ‘yun na lang ba ‘yung parang, kahit pangit [pakinggan], pero ‘yun na lang ‘yung ganti ko para sa sarili na nasaktan ako,” paliwanag ni AiAi.
“Siya naman ‘yung nagsabi kasi na gusto niyang pumunta ng Amerika eh. Hindi naman ako ‘yung nagbigay sa kaniya na, 'halika na, punta na tayong Amerika.' Siya naman ‘yung nagsabi na gusto niyang pumuntang Amerika,” dagdag niya.
Ayon pa sa Kapuso star, na-revoke ang green card petition ni Gerald kasabay ng kaniyang pag-file ng divorce. Gayunman, hindi pa nailalabas ang desisyon sa divorce case.
Noong Oktubre 2024, sa isang panayam din sa Fast Talk With Boy Abunda, inamin ni AiAi na naghiwalay na sila ni Gerald matapos ang 10 taon na pagsasama.
"Hiwalay na kami. Last month pa. Basta hindi ko makakalimutan. October 14, nag-chat siya, madaling araw sa Pilipinas. 'Yun nga. Sinabi niya na gusto niya magkaanak at hindi na siya happy," ani AiAi.
"So medyo confused ako and shocked, and bakit ngayon? Bakit ngayong oras na 'to? Sana hinintay mo man lang ako makauwi sa Amerika," patuloy niya.
Sinabi rin ni AiAi na isa sa mga dahilan ng kanilang paghihiwalay ay ang pagnanais ni Gerald na magkaanak. Ngunit dahil 60-anyos na ang aktres, hindi na siya maaaring magdalang-tao nang natural.
Emosyonal na ibinahagi noon ni AiAi, na sinubukan nilang magkaanak sa pamamagitan ng in vitro fertilization (IVF), ngunit dalawa sa tatlong embryo nila ay hindi nabuhay.
Inamin din ng aktres na nagtaksil si Gerald sa kaniya noong 2019, na dahilan upang magkalamat ang tiwala niya sa asawa.
Noong Disyembre 2024, sinabi ni AiAi na hindi na sila nag-uusap ni Gerald. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

