Nakatakdang iuwi sa bansa ang mga labi ni Emman Atienza, ayon sa ama nitong si Kuya Kim Atienza.
Ibinahagi ni Kuya Kim na gaganapin ang burol ni Emman sa Nobyembre 3 at 4, mula 12 p.m. hanggang 10 p.m. sa Chapel 5 sa The Heritage Memorial Park sa Taguig City.
“Just a little kindness every day. I love you my dearest dearest Emman,” saad ni Kuya Kim sa kaniyang caption.
Inanunsyo nina Kuya Kim, asawang si Felicia, at kanilang pamilya ang pagpanaw ni Emman sa edad 19 noong Oktubre 24.
Sa nakalipas na mga araw, inalala at nagbigay-pugay ang pamilya para kay Emman sa pamamagitan ng mga post sa social media.
Matapos ang pagpanaw ng Sparkle artist at influencer, nagbahagi ng madamdaming paalala ang kaniyang ina na si Felicia tungkol sa kahalagahan ng pagpapakita ng kabutihan sa kapwa.
—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
