Diretsahang sinagot ni Kyline Alcantara ang tanong kung sumailalim siya sa enhancement, na paniniwala ng ilan tungkol sa kaniya.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inihayag ni Kyline na para siya sa self-love, self-confidence, knowing your self-worth.
“Ako naman po, Tito Boy, I'm all about self-love, self-confidence, knowing your self-worth. But, siguro may mga ibang tao lang po talaga that they're not confident enough para ipakita or hindi magpagawa,” sabi niya.
“So, I'm okay with enhancing yourself or your features,” dagdag ni Kyline.
Dahil dito, diretsong tanong sa kaniya ni Tito Boy, “But you haven't gone through with it?”
“No po,” tugon ni Kyline. “Sana nga po eh.”
Ayon kay Kyline, sasailalim siya sa enhancements “kapag kailangan ko na.”
Hindi rin siya takot sa karayom.
“Pero, ako po okay po ako pagdating sa enhancement. As long as you'll feel confident after that and you won't regret it, go for it. Kasi, it's your body,” paliwanag niya.
Nagsalita si Kyline sa ilang komento na pinagawa umano niya ang kaniyang pisngi.
“Actually, sabi po nila Tito Boy, gawa daw po ‘yung cheeks ko. Yes, kasi nasobrahan daw po sa laki,” anang aktres.
Ngunit giit ni Kyline kay Tito Boy, ganoon na talaga ang kaniyang pisngi kahit noon pa man.
“Yun nga po. Meron pa nga po nagsabi, gawa daw po ‘yung dimples ko, ganiyan. Lahat na lang,” patuloy niya.
Hindi niya rin daw niya ipinagawa ang kaniyang baba.
“Hindi pa po. We'll never know. Update ko kayo,” ani Kyline.
Samantala, flattered si Kyline na binanggit siya ni Miss Universe 1969 Gloria Diaz na isa sa mga pinakamagagandang babae sa showbiz.
“Such a great honor po na masabihan ni Miss Gloria ng gano'n kasi siyempre Miss Universe ‘yun,” aniya.
“Actually, nu’ng napanood ko po, sabi ko, ‘Wow.’ I didn't know na gano'n po pala ang kaniyang thoughts about me.”
Sinagot din niya ang tanong kung may balak siyang sumali sa beauty pageants.
“Hindi po. Sinasabi ko lagi, imbes na maging beauty queen, wow, kala mo naman… Gusto ko po maging sundalo.”
Pagbabahagi pa niya, “Actually, dapat po this year, magti-train po ako bilang reservist. Pero hindi po kaya ng schedule.”
Ayon kay Kyline, puro mga sundalo at pulis ang mga kaanak niya sa father’s side ng kaniyang pamilya. – FRJ GMA Integrated News
