May upcoming GMA Public Affairs documentary si Dingdong Dantes na “Broken Roads, Broken Promises,” na tatalakay sa mga hindi natapos at hindi natupad na proyektong pang-imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng pamahalaan.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing bumisita ang Kapuso Primetime King sa isang bayan sa Northern Samar, at mainit siyang tinanggap ng mga residente habang papunta sa isang lokal na paaralan.

“Ang purpose ng pagpunta namin doon ay para kausapin ng isang case study for this documentary na ginagawa natin under Public Affairs,” ayon kay Dingdong.

Tututukan ng dokyu ang mga hindi natapos na proyekto tulad ng mga paaralan, kalsada, at mga flood control system — mga proyektong layunin dapat na mapabuti ang buhay ng mga mamamayan ngunit naiwan dahil sa katiwalian at maling pamamahala.

“‘Yung title pa lang, sumasagisag na ‘yan sa mga pangako na hindi talaga natupad and how important infrastructure is in the development of us Filipinos na sadly sa nakita nating estado ay talagang nasira at hindi na ipatupad dahil sa korapsyon,” saad ng aktor.

“Hanggang sa pag-deliver ng mga services ng ating mga health workers na dahil ‘yung mga kalsada ay hindi konektado sa isa't-isa and nadi-delay ang pag-deliver ng mga services na ito sa mga nangangailangan,” dagdag niya.

Inamin din ni Dingdong na bagama’t matagal na niyang alam ang lalim ng isyung ito, iba pa rin ang karanasan nang makausap mismo ang mga biktima ng baha at marinig ang kanilang mga hinaing.

“Iba kapag nabibigyan ng mukha ‘yung problema, nararamdaman mo talaga ‘yung kanilang paghihirap, ‘yung kanilang frustration, at ‘yung kanilang mga pangarap,” ayon sa aktor.

Sa pamamagitan ng “Broken Roads, Broken Promises,” umaasa si Dingdong na mas mamumulat ang mga Pilipino sa mga reyalidad na kinahaharap ng maraming Pilipino.

“Sana through the documentary eh mas maging mulat tayo bilang mga Pilipino tungkol sa nangyayari talaga sa ating mga kababayan. And hopefully dahil alam na natin talaga kung gaano kaseryoso ang problema eh mas mabuksan din ang isip ng mga taong kailangang tumugon dito. Definitely more so dun sa mga talagang accountable dito,” giit niya. —FRJ GMA Integrated News