Ido-donate umano ng OPM star na si Dionela ang kikitain sa kaniyang concert sa mga naging biktima ng super bagyong “Uwan.”

Inihayag ito ng singer sa likod ng hit song na "Marilag" sa kaniyang Instagram story na makikita ang kaniyang larawan na may hawak na white board at may nakasulat.

"My first major concert is happening on November 21 and 22 and I'm beyond grateful that tickets are almost sold out, with just a few seats," ani Dionela.

Saad pa niya sa mensaheng nakasulat sa white board, “I made a decision that God impressed upon his heart," na ipagkakaloob niya sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo ang kikitain niya sa concert.

"The Concert is called 'The Grace Tour' and I guess this is what grace is all about," ayon pa kay Dionela.

Linggo ng gabi nang mag-landfall si Uwan sa Dinalungan, Aurora, at nakatawid sa kalupaan ng Luzon nitong Lunes ng umaga.

Lima na ang iniulat na nasawi dahil kay Uwan. Tatlo sa mga ito ang nasa Nueva Vizcaya, kabilang ang kambal na natabunan ng lupa ang bahay.

Nasa 1.4 milyon katao o 426,000 pamilya ang kinailangang lumikas na mula sa Metro Manila, the Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Negros Island Region, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas. – Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News