Matapos ang kaniyang matapang na paglalantad, may mga plano na si AJ Raval para sa kaniyang mga anak ngayong magpapasko na “malaya” na o hindi na nagtatago sa publiko.

"Sobrang excited ko po ngayon. May mga plans na ako. Lalo na po ngayon, magki-Christmas. Ang dami pong park ngayon magki-Christmas, 'di ba? Kinalakihan ko po kasi 'yun. Lagi kaming dinadala sa park noong bata. So, gusto ko pong ipa-experience sa kids," sabi ni AJ sa ikalawang bahagi ng panayam sa kaniya, kasama na ang amang si Jeric sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

Sa parehong panayam, inilahad ni AJ na nakaramdam siya ng kalayaan matapos “madulas” noon ang amang si Jeric sa isang press conference at ihayag na may mga anak na sila ng kaniyang partner na si Aljur Abrenica.

“Masaya po ako noon. Masaya po talaga ako,” sabi ni AJ.

“Kasi noong time po na ‘yun, nag-a-ask na po ako, nagpe-pray na po ako ng freedom. And then, 'yung tatay po biglang nadulas. Blessing in disguise,” pagpapatuloy ni AJ.

Kaya naman ngayon, malaya nang nakalalabas sa publiko si AJ kasama ang mga anak at si Aljur.

“Masaya kami, masaya ako. Lumalabas kami ngayon, kakain kami. Hindi kami nagtatago,” anang aktres.

Sa unang bahagi naman ng panayam sa kaniya sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Miyerkoles, inilahad ni AJ na may tatlong anak na sila ni Aljur, na sina Althena, Aljur Junior, at Abraham. — BAP GMA Integrated News