Kabilang si Pokwang sa celebrities na nakibahagi sa anti-corruption protest sa People Power Monument sa EDSA nitong Linggo.
Sa video ni GMA Integrated News's reporter Athena Imperial, nanawagan ang Kapuso comedienne at host sa mga lider ng bansa na pagtuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga kawaniwang Pilipino.
"Ang panawagan ko sa mga lider natin sana bigyan po ninyo ng pansin ang mga nangangailangan lalong-lalo na ang ating mga maliliit na mamamayan, mga maliliit na manggagawa na pinagkakasya ang kanilang maliit na kita," ani Pokwang.
"Bigyan n'yo po sana sila ng kung anong deserve talaga nila bilang mamamayang Pilipino, 'yung mga pinangako po ninyo sa amin nang maramdaman naman po ng ating mga kababayan," patuloy niya.
Binigyan-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
"'Yung mga kabataan natin sila, 'yung mga henerasyon natin, sila ang magtutuloy nang kung ano po ang magandang nasimulan natin. Kaya sana bigya po natin sila ng magandang edukasyon po," giit niya.
Maliban sa edukasyon ang kapakanan ng publiko, nanawagan din si Pokwang para sa kaligtasan ng publiko sa panahon ng kalamidad, sa harap na rin ng mga kontrobersiya sa flood control projects.
"And of course s'yempre 'yung kaligtasan po ng bawat isa kapag may mga sakuna. Lalo-lalo na po 'yung mga flood control na yan. Tama na, busog na busog na kayo, kami naman. Please lang po," dagdag niya.
“TAMA NA PO. BUSOG NA PO KAYO. KAMI NAMAN.”
— GMA Integrated News (@gmanews) November 30, 2025
Nakiisa ang comedy actress na si Pokwang sa isinasagawang kilos-protesta kontra katiwalian ngayong araw, Nobyembre 30. | via Athena Imperial/GMA Integrated News pic.twitter.com/KODpUAr1xr
Bukod kay Pokwang, ilan pa sa celebrities na dumalo sa anti-corruption rallies ay sina Elijah Canlas, Catriona Gray, Bibeth Orteza, Ben & Ben, at marami pang iba. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

