Naghatid ng Pinoy pride ang SB19 sa ACON 2025 nitong Linggo sa Kaohsiung National Stadium sa Taiwan.

Nagmula pa sa sunod-sunod na shows sa Melbourne noong Biyernes at Sydney noong Sabado ang P-Pop kings na tanging Pinoy group na nagtanghal sa naturang event.

Pero walang bakas ng pagod nang rumampa ang grupo sa entablado gamit ang mga bagong ayos ng kanilang mga banger na: "Dam," "8TonBall," "Dungka," at "Crimzone."

"We're finally back in Taiwan, and this time, we get to meet you in Kaohsiung. You had our hearts racing all over again, and we hope we gave you a good time as we performed onstage," saad ng SB19 sa Instagram post.

Ang ACON 2025 ay special festival offering ng Asia Artist Awards, na nagdiriwang ng ika-10 taon nito. Kabilang sa iba pang performers sa lineup ang K-pop groups na ATEEZ, Kiss of Life, NEXZ, xikers, AHOF, at iba pa.

Noong 2023, dumalo rin ang SB19 sa Asia Artist Awards na ginanap sa Philippine Arena sa Bulacan. Binuksan ng grupo ang event sa pamamagitan ng pasabog na medley ng kanilang mga kantang "Gento," "Mana," "Bazinga," at "Crimzone."

Sa taong iyon, naiuwi nila ang AAA Hot Trend at AAA Best Artist (singer) awards.

Nasa huling bahagi na ang SB19 ng kanilang Simula at Wakas world tour, na may dalawa pang natitirang stops sa Auckland, New Zealand at Perth, Australia.

Ang tour ay suporta sa kanilang "Simula at Wakas" EP, na inilabas nila noong Abril. Sinimulan nila ang tour sa pamamagitan ng magkasunod na concerts sa Philippine Arena.

Ang SB19 ay binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin. Ang grupo ay nag-debut noong 2018 sa ilalim ng ShowBT Philippines at kalaunan ay itinatag ang sarili nilang kompanya, 1Z Entertainment noong 2023.-- Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News