Matapos ang matagumpay nilang pagsabak sa Miss Grand International, posible kayang sumali rin sa Miss Universe pageant sina CJ Opiaza at Emma Tiglao. Alamin.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ng King of Talk ang posibilidad na sumabak ang dalawang beauty queens sa naturang international pageant.

“Let’s see what stars shine brighter,” simpleng tugon ni CJ. “And I’m really happy to be your Miss Grand International 2024.”

Binigyang-diin naman ni Emma ang kaniyang role ngayon bilang may tangan ng korona.

“For me po, I will do my responsibilities and duties first as your Miss Grand International 2025,” saad niya.

Ngunit kung sasabak man si CJ sa Miss Universe, sinabi ni Emma na buo ang suporta niya rito.

Napanalunan ni Emma ang Miss Grand International 2025 nitong nakaraang Oktubre.

Nakuha ng Pilipinas ang back-to-back titles sa pagkapanalo ni Emma dahil naipasa kay CJ ang 2024 crown bilang 1st runner-up nang bitawan ni Rachel Gupta ng India ang titulo.—FRJ GMA Integrated News