Inihayag ng American singer-songwriter na si Barry Manilow na natuklasan ng mga duktor na mayroon siyang cancer sa baga at plano niyang sumailalim sa operasyon.

Sinabi ng 82-anyos na Grammy winner sa isang post sa Instagram na nagpa-MRI (magnetic resonance imaging) siya matapos ang matagal na laban niya sa bronchitis, at doon nakita ang cancerous spot sa kaliwang bahagi ng kaniyang baga na kailangang alisin.

"It's pure luck (and a great doctor) that it was found so early," dagdag pa ng mang-aawit.

"The doctors do not believe it has spread and I'm taking tests to confirm their diagnosis," patuloy niya.

Ayon kay Barry, plano niyang sumailalim sa operasyon upang alisin ang cancer kaya kanselado ang kaniyang mga pagtatanghal na nakatakdang gawin sa natitirang bahagi ng Disyembre at Enero.

"No chemo. No radiation. Just chicken soup and I Love Lucy reruns," sabi pa ni Barry.

Balak ni Barry na bumalik sa pagtatanghal pagsapit ng kalagitnaan ng Pebrero 2026.

"I'm counting the days until I return to my home away from home at the Westgate Las Vegas for our Valentine's weekend concerts on February 12-13-14," aniya. "Something tells me that February weekend is going to be one big party!"

Ilan sa mga sikat na awitin Barry ang “Copacabana” at “I Write the Songs.” — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News