Naispatan ng netizen sina Ricci Rivero at Juliana Gomez na magkahawak ng kamay habang nasa tech section ng isang mall.
Sa commend section sa TikTok na naka-post ang video ng dalawa, may mga negatibong komento kaugnay sa hinalang may namamagitan sa dalawa.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakitang magkasama ang dalawa.
Sa nakaraaang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand, nakita roon ang binatang basketball player kung saan lumaban si Juliana sa fencing game. Nandoon din si Claudia Barretto, na kaibigan ni Juliana.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong nakaraang Nobyembre, sinabi ni Richard Gomez, ama ni Juliana, na may bagong manliligaw ang kaniyang unica hija.
“Meron nanliligaw ngayon. Alam ko nag-break sila nung isang boyfriend niya. Pero a few months ago, parang may nanliligaw ulit. Umaaligid-aligid,” ayon kay Richard.
Sinabi rin ng aktor na ipinakilala sa kanila ni Juliana ang manliligaw nito na hindi niya tinukoy kung sino.
“Just be happy lang and alam mo naman yung limitations mo. Dalaga ka, maganda ka, hindi ka pa kasal, so may limits,” saad ni Richard na bilin sa anak.
Kabilang sa nakaraang naging karelasyon ni Ricci ay ang dating beauty queen na si Leren Mae Bautista at aktres na si Andrea Brillantes. — Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
