Nahulog sa kanal ang kotse ng tatlong suspek sa pagnanakaw sa isang convenience store habang tumatakas sa General Santos City. Dahil naipit ang mga pinto ng sasakyan, kinailangan nilang basagin ang windshield para makalabas.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Dacera Avenue sa Barangay City Heights nitong Lunes.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang driver ng kotse sa kanilang pagtakas kaya ito bumangga sa konkretong harang at isang puno bago tuluyang mahulog sa kanal.

Napag-alaman na napinsin ng security guard ng tindahan na ilang items ang inilagay ng mga suspek sa bag. Pero nang susuriin na ang bag, kumaripas ng takbo ang mga ito patungo sa kotse.

Ayon kay Police Station 4 Commander, Police Major Ivan Charles Abastillas, sa pagmamadali ng driver na kasama ng mga suspek, nawalan ito ng kontrol hanggang sa mahulog sa kanal.

Nakatakas ang driver at kasama nitong babae nang basagin nila ang windshield ng sasakyan. Nadakip naman ang isa pa nilang kasamahan na 20-anyos.

Dinala sa presinto ang suspek pero pinayagan din na makaalis matapos magpasya ang pamunuan ng tindahan na hindi na magsasampa ng kaso makaraang bayaran nito ang mga tinangay na produktong aabot sa P3,000.

Patuloy naman hinahanap ang driver ng kotse na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property.

Pinaniniwalaan naman na nirentahan lang ang kotse na nakarehistro sa Cebu City at paso na ang rehistro.—FRJ GMA Integrated News