Inilahad ni The Clash 2025 runner-up Arabelle Dela Cruz na life-changing ang kaniyang pagiging Grand Champion sa The Veiled Cup 2026 sa South Korea.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ni Arabelle na maraming opportunities ang magbukas para sa kaniya matapos ang naturang tagumpay.
Sinabi ni Arabelle na pinaghahandaan niya ngayon ang release ng sarili niyang single at umaasang magkakaroon siya ng concert ngayong taon.
Patuloy din ang kaniyang paghahanda sa Asian Tour kasama ang iba pang Veiled Cup finalists.
Excited na rin si Arabelle na maipalabas ang Veiled Cup soon sa GMA.
Inamin ng Sparkle singer na nanumbalik ang kaniyang self-confidence matapos manalo sa Veiled Cup.
“Pag-uwi dito, ibang iba ‘yung pakiramdam na wine-welcome ka, hindi lang as Grand Finalist or isa sa mga nag-represent sa Philippines, kundi tayo ‘yung nag-title, ‘yung matawag ka na champion, iba-iba yung pakiramdam nu’n,” ayon kay Arabelle. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
