Timbog ang 14 na Indian na mga international scammer umano matapos salakayin ng mga awtoridad ang isng exclusive villa na ginawa nilang scam hub sa Clark, Pampanga.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang surveillance ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) sa villa ng mga dayuhan.
Binibiktima umano ng mga Indian ang mga sarili nilang kababayan sa India at maging sa iba pang bansa.
Ang ilang suspek, nagkulong pa sa kuwarto pero naaresto rin.
Sinabi ng NBI na sangkot ang mga suspek sa social engineering scams gaya ng love scam, cryptocurrency scam at digital arrest scam.
“Most of their victims are vulnerable persons, mga retirees or 'yung mga tao na naghahanap ng relationship online. Kino-convince itong mag-click ng phishing links, kino-convince mag-open ng bank accounts. Then once na nakapag-open sila, kukunin 'yung kanilang mga sensitive personal information, even the OTP, account numbers.” sabi ni John Bacho, agent on case ng NBI- NCR.
Dagdag pa ng NBI-NCR, hindi naging madali ang naging pag-track sa mga international scammer.
“Nagsagawa po tayo ng matiyagang surveillance at case build-up sa loob ng dalawang buwan. At nang mapatunayan natin ang kanilang ginagawang ilegal, ay minabuti nating mag-apply ng cyber warrant. At sa bisa nito ay ating pinasok ang kanilang scam hub,” sabi ni Atty. Joel Tovera, Regional Director ng NBI-NCR.
Nasamsam sa lugar ang computers, routers, cellphones at iba pang gadgets na ginagamit sa pang-i-scam.
Ayon pa sa ahensiya, umabot na sa mahigit P1 bilyon ang kinita ng grupo mula sa kanilang mga biktima matapos mag-operate sa Pilipinas noon pang taong 2022.
“This will also serve as a warning sa mga foreign nationals na gusto pumunta sa Pilipinas at dito gumawa ng kalokohan at dito gumawa ng kanilang mga ilegal na gawain na hindi natin papayagan,” sabi ni Atty. Melvin Matibag, NBI Director.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga dayuhan na nahaharap sa patong-patong na reklamo.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
