Patay ang isang 29-anyos na security guard na sakay ng motorsiklo matapos siyang maaksidente sa bahagi ng Ortigas Avenue sa Mandaluyong City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente sa bahagi ng Barangay Wack-Wack-Greenhills East, pasado 2 a.m.

Napahagulgol na lamang ang pamilya ng biktima matapos siyang makitang nakahandusay at wala nang buhay sa kalsada.

Sinabi ng barangay na ilang motorista ang unang nakakita sa security guard na nakahandusay sa kalsada.

“Hanggang sa pinuntahan namin, ito na po ang nadatnan namin. Pinulsuhan na nga ng kasama ko, sabi niya wala na raw pulso,” sabi ni Emerson Santiago, OIC ng Barangay Wack-Wack Greenhills East.

Nakapuwesto ang motorsiklo sa tabi ng pinagbanggaang puno nito na nasa center island ng kalsada.

Sinabi ng asawa ng biktimang security guard na galing ito sa trabaho.

Nakapagpaalam pa ang mister niya na dadalo ito sa kaarawan ng katrabaho bago mangyari ang aksidente.

“Hindi po siya umuwi, dumiretso siya roon. Nagkaayaan ‘yung mga katrabaho niya. HIndi ko po alam eh, kasi sabi ko basta umuwi lang siya,” sabi ng misis ng biktima.

Naulila rin ng biktima ang pitong taong gulang nilang anak.

Pasado 5 a.m. nang dumating ang SOCO.

Sinabi ng pamilya na ipapa-autopsy nila ang bangkay ng kanilang padre de pamilya. Patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente.

Sinabi ng barangay na hindi nahagip ng kanilang CCTV ang nangyaring aksidente, kundi tanging CCTV lang ng pribadong village ang nakakuha rito.

Kasama na ito sa kinakalap pa ng pulisya sa kanilang imbestigasyon. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News