Wala mang front legs o putol ang mga paa sa kanilang harapan, buo naman ang natatanggap na pagmaahal ng mga aso mula sa kanilang fur mom sa Norzagaray, Bulacan.

Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” mapanonood ang video ng isang aso na tila instant celebrity online na lumalaban sa buhay kahit dalawa lang ang paa.

Ipinakilala ang 49-anyos na si Realyn Guinaling, at ang mahigit 40 niyang mga aso. Ilan sa mga ito ang putol ang mga paa sa unahan o walang front legs.

“Noong bata talaga ako, dog lover na talaga ako,” kuwento ni Realyn.

Nahinto ang pag-aalaga ni Realyn ng aso noong mangibang bansa siya noong 2000.

Ngunit pagbalik ng Pilipinas noong 2016, muli siyang nagkaroon ng alagang aso.

Taong 2021 nang unang beses siyang makakita ng asong putol ang dalawang paa sa harap.

“Sobra naming minahal ‘yon. Nabuhay lang siya with two months. Pero lagi kong kinakausap ‘yung libing, kung saan namin siya nilibing. Sabi ko, ‘Balik ka,’” kuwento niya.

Tila nagkatotoo ang hiling ni Realyn, nang muli siyang magkaroon ng asong walang mga paa sa unahan.

Ang ipinagtaka ni Realyn, hindi na nawalan ng mga tutang putol ang mga paa sa mga sumunod niyang asong nanganak.

“Kung bibilangin ko lahat ng no front legs na dumaan sa akin, siguro nasa 15 na,” sabi niya.

May mas malalim na hugot ang relasyon niya sa kaniyang mga aso, pantay-pantay man ang pagmamahal niya sa mga ito.

“Even sa family ko… ‘Yung pagiging OFW ko na hindi alam ng pamilya ko kung gano'ng kahirap magiging OFW. Nu’ng walang-wala na ako, iniwanan ako ng lahat. Hindi ka na nila rerespetuhin sa panahon ngayon kahit pamilya mo pa.”

“Kaya nu’ng na-focus 'yung atensyon ko sa mga aso ko, sabi ko hindi ko ipagpapalit 'yung mga aso ko sa tao,” sabi niya.

Si Realyn, nagtrabahong delivery rider, insurance agent, at call center agent.

Taong 2023 nang atakihin siya sa puso.

Mula sa walang-wala, nakabangon si Realyn sa pagiging affiliate online. Nakatulong ang pagdami ng kaniyang followers ang mga video kasama ang kaniyang mga alaga.

At ang kinikita niya, sapat para sa pagkain at pangangailangan ng kaniyang mga alaga.

May tumulong din sa kaniyang nurse sa US para makapaghanap ng lupa at magsilbing tirahan ng kaniyang mga aso, kasama na ang special niyang fur babies na tig-dalawa lang ang paa.

Hindi naman sila naiiba sa mga kasama na nakalalakad, nakapaglalaro, nakaiinom at marunong pang makipag-agawan ng treats.

Paliwanag ni Kuya Kim, ang mga hayop na may kakulangan sa bahagi ng kanilang katawan ay nagkakaroon ng biological adaptation, regeneration at malakas na survival instinct.

“Puwede rin namang inborn ang deficiency o pinanganak na silang may kakulangan sa bahagi ng katawan. Nangyayari ito kapag may pagbabago sa genes o genetic mutations habang nabubuo pa lang ang embryo sa sinapupunan ng ina,” paliwanag ni Kuya Kim.

“Ito usually developmental problem ito. Noong buds pa lang siya, 'yung baby o 'yung puppy, maliit pa lang ‘yan, hindi nagform 'yung limbs niya properly,” paliwanag naman ng isang eksperto. – FRJ GMA Integrated News