Walang pagsidlan ng tuwa sina Tatay Ferdinand Narciso at anak niyang si Mary Joyce Narciso, nang makita nilang magkasunod ang kanilang pangalan na nakalista sa mga pumasa sa nagdaang Bar examination para sa mga nais maging abogado.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” napag-alaman na apat na beses nang bumagsak sa Bar exam ang 57-anyos na si Tatay Ferdinand, na ang pinakahuli ay nangyari 20 taon na ang nakararaan. At sa kaniyang pinagdaanan, naging saksi rito ang kaniyang anak na si Mary Joyce.
Kaya nang ilabas na online ang listahan ng mga pumasa, sinabi ni Mary Joyce na higit sa kaniyang pangalan, ang pangalan ng kaniyang ama ang nais niyang makita.
“Siya po kasi ang inabangan ko talaga, 'yung pangalan po ni papa. 'Yung pangalan ko nakalimutan ko pa nga pong tingnan. Kasi ‘yung dasal ko po talaga makapasa po si papa,” sabi ni Mary Joyce.
Kaya hindi niya mapigilang umiyak nang makita ang pangalan ng amang si Ferdinand, na sinundan din naman agad ng kaniyang pangalan.
Sa kanila namang tahanan, hindi rin magkamayaw si Ferdinand at kaniyang asawa nang mabasa na rin niya ang kaniyang pangalan.
“Sobrang saya, ang dami ko pong iyak. Tumawag po ako agad sa family ko po. Tumatalon pa po sila, umiiyak lahat. Hindi po kami nakapag-usap talaga,” sabi ni Mary Joyce.
Nakapagtapos ng kursong chemistry si Mary Joyce, pero nahikayat siyang pumasok sa law school upang ipagpatuloy ang pangarap ng kaniyang ama.
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, apat na beses na kasing nabigo sa Bar si Tatay Ferdinand.
“Hindi ko po masabi na ever since gusto kong maging abogado, pero na-inspire po ako kay Papa na magpursigi para magkaroon po ako ng propesyon na similar po sa pag-abogasiya, 'yung pagtulong po sa kapwa,” sabi ni Mary Joyce.
Mula pa kaniyang pagkabata, saksi na si Mary Joyce sa napakahabang Bar journey ng kaniyang ama.
“Sabi ko nga, ‘O sige anak, kung ‘yan ang plan mo, sige. Nandito lang kami ni mama at ni papa. Sabi ko pa, kung ano ang mga makakatulong, kasi nag-stop ka sa work, eh ‘di makakatulong kami,’” sabi ni Tatay Ferdinand.
Samantala, hindi naman tinigilan ni Tatay Ferdinand ang kaniyang pangarap, at inisip na balang araw makakamit din niya ang pinaka-aasam na maging abogado.
“Sadyang masakit sa loob din. Inaamin natin yan. At naroon din ang pagkakataon na talagang gusto ko nang sumuko. Ang ginawa ko na lang, nag-focus na lang muna ako sa family ko,” sabi ni Tatay Ferdinand, na nagtrabaho sa isang sangay ng Department of Education sa probinsya ng Tuguegarao.
Samantala, naging working student naman si Mary Joyce na habang nag-aaral ng abogasya, isinasabay din ang pagtatrabaho.
“Sobrang hirap po talaga pagsabayin. May mga times na kailangan po mag-prioritize. Either masasakripisyo po 'yung trabaho, masasakripisyo po 'yung law school,” anang dalaga.
Matapos ang halos limang taong pagsusunog ng kilay, nakapagtapos na rin si Mary Joyce sa kaniyang pag-aaral.
Agad siyang nagdesisyon na sumubok at kumuha ng bar exam. Pero si Tatay Ferdinand, buo na rin ang loob noon na muling sumubok na kumuha ng bar exam.
“Parang may tinig na nagbubulong sa akin na ‘It's your time, patunayan mo.’ Marahil sa aking anak at naging inspirasyon ko. So, sige. Susubukan kong mag-enroll ulit mag-take ng bar,” sabi ni Tatay Fernando.
Nag-refresher course at doble kayod din si Tatay Ferdinand. At pagkatapos, sanib-puwersa ang mag-ama sa pag-review at magkatuwang na hinarap ang bagong hamon ng kanilang buhay.
Sa kanilang mga diskusyon, mas nahasa pa sa kanilang mga pinag-aralan sina Mary Joyce at Tatay Ferdinand.
Hanggang sa inanunsyo na ang parehong pangalan nina Tatay Ferdinand at Mary Joyce sa 2025 Bar Exams.
“Indescribable kasi, alam mo kung may feeling na Cloud 9. Ito sa akin, feeling si Cloud 15.
Hoy, ito. Iba talaga,” sabi ni Tatay Ferdinand.
“So, nu’ng nakita ko na po 'yung pangalan ko, I guess doon na po nag-hit na, ‘Ah, dalawa kami, sobrang bait ni Lord. Kasi 'yung dasal ko po talaga, specifically for papa po talaga,” sabi ni Mary Joyce.
Tunghayan sa Good News ang pag-uusap ng mag-amang sina Tatay Ferdinand at Mary Joyce tungkol sa kanilang tagumpay na maging mga abogado. – FRJ GMA Integrated News
