Nagbigay si Sanya Lopez ng ilang detalye tungkol sa "promise" ring na kaniyang suot na tila bigay ng “mystery guy” na nagpapatibok ngayon ng kaniyang puso. Ang aktres, nagpahiwatig din na foreigner ito.

Sa third anniversary special episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, kasama ni Sanya bilang guest sa programa ang mga kapuwa niya “Sang’gre” na sina Glaiza De Castro, Kylie Padilla at Gabbi Garcia.

Ayon kay Sanya, masaya ang lovelife niya ngayon at naipakilala na niya kina Glaiza, Kylie at Gabbi ang “mystery guy.”

Tinanong ni Tito Boy si Sanya, “Kumusta naman ang secret?”

“Okay naman Tito Boy,” sagot ni Sanya, na natawa at tila kinikilig. “Lagi namang masaya. Masaya ako na masaya kaming lahat.”

Hirit ni Gabbi, matagal nilang inaabangan na mga Sang’gre na magka-lovelife si Sanya.

“Tito Boy 10 years in the making ito, inaabangan namin ‘to,” komento ni Gabbi.

“Tsaka Tito Boy, sila ‘yung number one na excited talaga sa akin bago pa mangyari ang lahat… sa mga bagay-bagay na paparating sa buhay natin. So, may gano’n sila lagi na, ‘Uy, kapag meron ka na, ipakilala mo agad sa amin na,’” pagbabahagi ni Sanya.

Kinumusta ni Tito Boy si Kylie tungkol sa mystery guy ni Sanya.

“Ay, basta masaya si Sanya. Masaya ako para sa kaniya,” tugon ni Kylie.

Tinanong ni Tito Boy kung ipakikilala ni Sanya sa publiko ang kaniyang nobyo umano.

“At Tito Boy, ‘pag dumating 'yung panahon na hindi maiwasan siguro, sige, puwede naman,” sabi niya.

Tila kinikilig si Gabbi sa pagkukuwento ni Sanya. “Ang tagal kasi naming hinintay ito. Oh my God, finally pinag-usapan natin 'yung lovelife ni Sanya.”

Kuwento pa ni Sanya, “Kasi Tito Boy, lagi nilang inaabangan ‘yan. Sabi nila, ‘Kailan na? Kailan na?’ So, parang nu’ng lahat talaga sila meron na, ako 'yung inaabangan nila. ‘So, anong plano mo?’ Lagi silang gano’n sa akin.”

Sinabi ni Sanya na aksidente niyang naibahagi sa mga kapwa Sang’gre ang tungkol sa suot-suot niyang singsing.

“And I'm so happy nu’ng na-share ko nga sa kanila, aksidente pa ‘yun eh. Parang na-share ko sa kanila 'yung about sa ring.”

Hindi naman napigilan nina Glaiza, Kylie at Gabbi na mapatili sa studio nang banggitin ni Sanya ang salitang “ring.”

Ayon kay Sanya, naikuwento niya sa mga kapwa Sang'gre ang tungkol sa suot niyang singsing sa isang denim and diamond event ng Sparkle.

Ipinakita ni Sanya ang suot niyang ring kay Tito Boy, kaya nagtanong ang King of Talk, “Ano ang ibig sabihin niyan?”

“It's a promise ring,” tugon ni Sanya.

Nagbahagi pa si Sanya ng ilang detalye tungkol kay mystery guy sa Fast Talk segment.

Pinili niya ang “foreigner” kaysa Pinoy, at sinabing “in love na in love” siya. Nang pakumpletuhin sa kaniya, “Ang gusto ko sa lalaki ‘yung __?” sumagot si Sanya, “‘yung foreigner.” – FRJ GMA Integrated News