Ibinahagi ni Kylie Padilla na aksidente niyang nakita ang dati niyang asawa na si Aljur Abrenica, at partner ngayon ng aktor na si AJ Raval, kasama ang kanilang mga anak.

Sa guesting nina Kylie, Sanya Lopez, Glaiza De Castro, at Gabbi Garcia sa third anniversary special ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binalikan ni Tito Boy nang ilahad na ni AJ sa publiko ang tungkol sa kaniyang mga anak, kung saan tatlo ang kay Aljur.

Tinanong ni Tito Boy si Kylie kung nabago ang kanilang dynamics matapos ang rebelasyon ni AJ.

“Actually, alam mo after that Tito Boy, nagkita kami by accident, all of us,” sabi ni Kylie. “Hinihintay ko ngang lumabas ‘yung picture ang daming nagpi-picture nu’n eh.”

Para kay Kylie, nakatakda talagang mangyari na muli silang magkita-kita nina Aljur at Kylie, kasama ang kani-kanilang mga anak.

“Ang saya lang kasi I was waiting for that to happen, kasi it’s bound to happen. And when it did, our kids played together and then we had dinner together. Ang saya lang,” saad niya.

Gayunman, ikinuwento ni Kylie na nakahiwalay siya ng mesa kina nina Aljur at AJ, at kasama ang kanilang mga anak.

“I let them… Nandito ako sa isang table, nandu’n sila,” sabi ni Kylie, na natawa sa kaniyang sinabi. “Pero pinili ko naman kasi ‘yun. I let them have their time.”

Si Aljur daw ang nag-aya na mag-dinner silang tatlo nina AJ kasama ang kanilang mga anak.

“Si Aljur ‘yung nagtanong ‘Can we have dinner together? Kasi gusto ko makasama 'yung mga bata.’ I'm like, ‘I’m like, sure, sure,’” ani Kylie. “May table sila, nandu’n sila. Nandito ako, binubuo ko 'yung Lego ni Alas,” dagdag pa ni Kylie.

Biro naman Gabbi kay Kylie, “Sana tinawagan mo kami.”

Paliwanag naman ni Kylie, “Pero I respect their time kasi. And I don't wanna step on anything… you know. I’m just trying to be, ‘Have your time.’ I love to see them happy. And then, okay build (Lego).”

Sinabi ni Kylie na tama lamang na isiniwalat na rin si AJ ang tungkol sa mga anak nito.

“Pero masaya, masaya. Maybe it was for the better talaga. Like I said in my statement. Mahirap 'yung nagsisikreto ka. Lalo na para sa mga bata. May tinatago, ayoko, ayoko,” patuloy niya.

Matatandaang kahit na emosyonal, matapang na inilahad ni AJ ang tungkol sa lima niyang anak Nobyembre ng nakaraang taon.

Sinabi ni AJ na nagsalita siya para matapos na ang mga usapin tungkol sa kaniya, at makaramdam na ng kalayaaan ang kaniyang mga anak.

Matapos nito, nagbigay ng maikling mensahe si Kylie sa social media matapos ang pag-amin ni AJ. Walang pangalan na binanggit si Kylie sa kaniyang Facebook post, pero sinabi niyang matagal na niyang alam ang sitwasyon.

"Ito lang po comment ko para matapos na matagal ko na pong alam pero s'yempre inuna po namin ang kapakanan ng mga bata. Sobrang close sila at 'yun pinaka importante," ani Kylie.

"Happy that now 'di na kailangan magtago. Proud of you. Peace all around. Sana matapos na drama," dagdag pa niya. – FRJ GMA Integrated News