Mula sa pagiging sexy star na nakatrabaho ang ilang sikat na aktor gaya ng namayapang si Fernando Poe Jr., paano nga ba nasadlak si Josephine Manuel sa lansangan at ilang taon ding namalimos. Papaano kaya siya matutulungan upang makabangon sa kaniyang kalagayan? Alamin ang kaniyang kuwento sa “Wish Ko Lang.”

Sa nakaraang episode ng “Wish Ko Lang,” sinabing dekada 80’s nang maging aktibo sa showbiz si Josephine Katama, na mas kilala bilang si Josephine Manuel.

Sa edad na 16, napasok si Josephine sa pagiging ekstra sa mga pelikula sa tulong na rin ng kaniyang ama na nagtatrabaho noon sa movie production.

Dahil na rin sa kaniyang kagandahan, nabigyan siya ng break bilang sexy star at makapareha ng mga sikat na artista gaya nina Lito Lapid, Dante Varona, FPJ, at iba pa.

Ayon kay Josephine, pangarap talaga niya ang mag-artista dahil sa paniwala niyang malaki ang kita rito na magiging daan para siya yumaman.

Aminado naman ang malapit na kapatid ni Josephine na si Vilma, na nakaramdam siya ng hiya sa pagiging bold star ng kaniyang kapatid.

Gayunman, nang kumikita na si Josephine bilang artista, tinutulungan umano nito ang kanilang pamilya, maging ang iba nilang kaanak.

Subalit hindi nagtagal ang kinang ng bituin ni Josephine dahil pagkaraan lang ng pitong taon, unti-unti na siyang nawalan ng proyekto.

Hindi rin siya masyadong nakapag-ipon dahil kailangan niyang gumastos noon sa kaniyang mga kasuotan at napilitan na rin siyang bumili ng sasakyan.

Hanggang sa tuluyan nang nawala sa sirkulasyon ng showbiz si Josephine, at ang kapatid niyang si Vilma ang kaniyang naging takbuhan.

Mula sa pagiging artista, naghahanap na si Josephine ng agency na kailangan ng kasambahay na kaniyang inaaplayan. Sa loob ng 30 taon, nagpalipat-lipat ng mapapasukang amo ang dating sikat na sexy star.

Ayon kay Josephine, nagustuhan na rin niya ang trabaho ng pagiging kasambahay dahil mayroon siyang tirahan, libreng pagkain, at may sahod na rin.

Ngunit gaya ng nangyari sa  kaniya noon sa showbiz, nahirapan na rin si Josephine na makahanap ng bagong amo. At habang naghihintay, sa lansangan na siya naninirahan.

Hindi ninais ni Josephine na bumalik sa kaniyang kapatid na si Vilma sa Bulacan dahil batid niyang wala siyang magiging hanapbuhay doon.

Sa paglipas ng panahon na wala nang mapasukan si Josephine, natuto na siyang mamalimos sa lansangan at kumikita siya ng P500 sa isang araw—halaga na masaya siyang kitain.

Nang isang araw na puntahan ni Vilma si Josephine sa pinupuwestuhan nito sa bangketa, nalungkot siya sa kalagayan ng kaniyang kapatid.

Dalawang beses na rin na-rescue si Josephine upang maalis sa lansangan at inilagay sa shelter. Sa unang shelter, pinangakuan umano siya ng tutulungan na magkaroon ng kabuhayan na hindi naman nangyari kaya bumalik siya sa lansangan.

Sa ikalawang shelter, tumagal si Josephine ng tatlong taon. Ngunit dahil may patakaran ang shelter na dapat manirahan sa kamag-anak ang kanilang nasasagip—sa katauhan ni Vilma—kailangan nang umalis sa shelter si Josephine.

Gayunman, aminado si Vilma na sa ngayon ay wala siyang lugar na paglalagyan para kay Josephine. Ayaw naman niyang bumalik ito sa lansangan kaya hangad ni Vilma na maihanap sana ng maayos na matutuluyan ang kapatid na kaniyang inilapit sa programa.

Hindi naman nabigo si Vilma dahil mayroong shelter na handang kumupkop sa mga katulad ni Josephine sa Cebu na pinamamahalaan ng isa ring dating aktor. Sa naturang shelter, makakasama ni Josephine ang isa ring dating sexy star na Brandy Ayala.

Tunghayan sa video ang buong kuwento ni Josephine at alamin ang magiging bago niyang tahanan sa Cebu. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News