Binalikan ng R&B singer na si Kris Lawrence ang nangyari kaugnay sa pagkawala ng kaniyang cellphone noong 2006 sa kaniyang bahay at si Alvin Aragon umano ang kumuha.

Ikinuwento ni Kris ang insidente matapos na may lumabas na Facebook video tungkol sa nangyari 20 taon ang nakararaan.

Nakilala ng mga singer na sina Kris at JayR si Alvin, na bahagi noon ng Starstruck, sa isang bar sa Quezon City.

Kalaunan, nabitin ang kanilang inuman kaya inimbitahan umano ni Kris sina Alvin at isa pang kaibigan nito sa kaniyang home studio.

Umabot ang kanilang inuman hanggang mag-uumaga ng sumunod na araw. Matapos nito, umuwi na sina Alvin.

“When I was going back to my room, I noticed that nawawala cellphone ko. Hanap ako nang hanap, wala ngani!” kuwento ni Kris.

“Tinawagan ko ‘yung isang friend niya and I was like ‘Hey have you guys seen my cellphone. Sabi nila wala, wala raw silang nakitang cellphone,” pagpapatuloy ni Kris.

“For me, nakakapagtaka, hawak-hawak ko roon sa studio and apat lang naman kami. Talagang it's weird,” dagdag niya.

Kalaunan, isang kaibigan ni Alvin ang tila nakonsensiya kaya sinabi kung sino umano ang kumuha.

“I think na-guilty ‘yung isang friend niya and tinawagan niya ako, and inamin na si Alvin nga ang kumuha,” ayon kay Kris.

Kinompronta umano ni Kris si Alvin nang malaman niya na ito ang kumuha ng kaniyang cellphone.

“Dude why would you do that, why would you steal from me in my own house bro. That’s like, that’s so disrespectful,” kuwento ng singer.

“Long story short, nag-sorry siya. My fist was balled up, gusto ko siya suntukin pero I know that violence is never the answer,” sabi pa ni Kris.

Pinalalampas na raw ni Kris ang pagkakamali noon ni Alvin sa kaniya.

“I said it’s okay. Medyo binibigyan ko pa rin siya ng attitude. Understandable naman kasi ninakaw nga niya ‘yung cellphone ko. But that was 2006, that was the story of that,” sabi ni Kris.

“I know he’s in a better place now. I know he’s Christian, and alam ko naman mabait si Alvin,” dagdag niya.

Biro pa ng R&B singer, “Ikaw kasi Alvin, kinalimutan ko na ‘yun pinaalala mo pa. Oo nga, naibalik mo ba?”

Matatandaang nakatatanggap ng mga puna si Alvin matapos ibahagi ang kaniyang mga komento sa kaniyang asawang si Izzy Trazona at ang dati nitong girl group na SexBomb Girls. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News