Ibinahagi ni Deo Balbuena, o mas kilala bilang si Diwata, ang tungkol sa pagsasara ng lahat ng kaniyang mga paresan, at kung paano siya ngayon muling bumabangon.

“Marami ang nakapanood siguro, kasi laging viral 'yung mga paresan natin na mga nagbukas na malalaki. So lahat 'yun ay wala na, sarado na 'yun lahat. Kasi nagkaroon kami ng problema doon sa business partner ko before,” sabi ni Diwata sa kaniyang guesting sa Unang Hirit nitong Miyerkoles.

Ayon kay Diwata, nagsara na ang kaniyang branches sa Quezon City, Pampanga, Laguna at Caloocan.

“Lahat 'yun sarado na,” muling sabi ni Diwata. “‘Yung franchising na pinag-usapan namin, wala akong natanggap doon.”

Ikinalungkot ni Diwata na wala siyang kinita sa kaniyang franchising.

“Nakakalungkot nga kasi, siyempre, inasahan kong nakikita ako. So nakakalungkot kasi, parang ako pa 'yung nautangan. Kaya sarado na lahat ‘yun,” patuloy niya.

Ngunit ngayon, unti-unting bumabangon si Diwata, na muling nagbebenta ng pares gamit ang bago niyang cart.

“Tapos, nag-start ulit ako ng panibago. Kaya meron akong cart ngayon na bago lang din para meron akong pangkabuhayan para tuloy pa rin ang buhay. Laban lang nang laban,” saad niya.

Giit pa ni Diwata, wala siyang ginagawang masama, at ang kaniyang negosyo ang nagsisilbi niyang paraan para mabuhay at makatulong. – FRJ GMA Integrated News