Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakatakdang magsampa ng mga high-profile na kasong may kaugnayan sa flood control projects ang kaniyang tanggapan na lalo pang magpapainit sa mainit na panahon.
"Marami, marami 'yan. Marami susunod 'yan. Itong tag-init, iinit," ayon kay Remulla sa press briefing nitong Huwebes.
"Ngayong tag-init, iinit. Sinasabi ko sa inyo," dagdag niya.
Subalit hindi nagbigay si Remulla ng anumang timeline kung kailan ihahain ang mga kaso.
"Hindi ko masasabi. Wala akong sasabihin ganyan. Basta itong tag-init, iinit talaga," deklara ni Remulla.
Nakapagsampa na ang mga piskal ng Ombudsman ng tatlong batch ng mga kasong may kaugnayan sa flood control mula nang ilunsad ang imbestigasyon noong Setyembre 2024. Kabilang dito ang:
- mga kasong malversation at graft laban sa nagbitiw na Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at hindi bababa sa 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na road dike project na nagkakahalaga ng P289 milyon sa Oriental Mindoro;
- mga kasong malversation at graft laban sa contractor na si Sarah Discaya at ilan pang iba kaugnay ng umano’y ghost flood control project na nagkakahalaga ng P96.5 milyon sa Davao Occidental; at
- mga kasong malversation at graft laban sa contractor, kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr., dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Assistant District Engineer na si Brice Hernandez, at lima pang iba kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Itinalaga si Remulla bilang Ombudsman noong Oktubre 2025. — Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News
