Apat katao ang nasawi at 29 ang sugatan matapos na sumadsad sa center island at tumagilid ang isang truck sa Alyosan, Cotabato.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing patungo sa Cotabato City ang truck nang may iwasan itong motorsiklo sa kaniyang unahan sa Barangay San Mateo. Kinabig ng driver ang manibela ng truck hanggang sa tamaan niya ang center island at pasadsad na tumagilid.
Nadamay din sa aksidente ang isang multicab na nasa kabilang linya ng kalsada at pauwi na sana.
Dinala sa ospital ang mga sugatan at apat sana sa kanila ang hindi na umabot nang buhay, kabilang ang isang bata.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga biktima at kanilang mga kaanak.
Hawak naman ng awtoridad ang driver ng truck, at patuloy pa ang imbestigasyon. – FRJ GMA News
