Isang grupo na nagpakilalang mga “dating loyalista” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kaniyang ama, ang nagtutulak para sa posibleng tambalan nina Bise Presidente Sara Duterte at dating Ilocos Sur governor Chavit Singson sa 2028 elections.

Ayon sa tinaguriang Sara-Chavit 2028 Nationwide Movement, agad nilang tinalakay ang pagsuporta kay Duterte matapos na ihayag ng huli ang plano nitong tumakbo bilang pangulo sa 2028.

“Mula nang marinig namin ang opisyal na deklarasyon ng ating VP Sara Duterte noong February 28 na siya ay tatakbo bilang Pangulo ng bansang Pilipinas, agad kaming nagkaisa at nag-ugnayan upang pag-usapan ang matibay at nagkakaisang suporta sa tambalang Duterte-Singson,” saad ng grupo sa press conference na isinagawa nitong Miyerkoles.

Naniniwala umano ang grupo sa kakayahan ni Duterte na pamunuan ang bansa mula sa kaniyang karanasan bilang alkalde ng Davao City.

“Ipinapakita ni Inday Sara Duterte ang kanyang husay sa paglilingkod. Mula sa kaniyang karanasan bilang lokal na opisyal ng lalawigan ng Davao, makikita natin ang tunay na kaunlaran, at ito ay kayang gawin sa buong bansang Pilipinas,” ayon sa grupo.

“Kami ay naniniwala na sa ilalim ng kanyang pamumuno, maipagpapatuloy ang mga programang magpapaunlad sa ekonomiya, magpapatibay sa kapayapaan at kaayusan, at higit sa lahat, magpapaunlad sa bansang Pilipinas,” dagda nila.

Nauna nang inanunsyo ni Duterte ang kaniyang planong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028, at humingi rin siya ng paumanhin sa pagtulong kay Marcos na manalo noong2022 elections. Angiya, nabigo ang kasalukuyang administrasyon na tuparin ang mga ipinangako nila sa  panahon ng kampanya.

Sinabi rin ni Duterte na nakapili na siya ng kaniyang magiging ka-tandem sa 2028 ngunit hindi pa niya sasabihin kung sino upang maprotektahan ang naturang tao laban sa mga posibleng political attacks.

Inihayag naman ng grupo na bagaman hindi pa pormal na kinukumpirma ni Duterte kung sino ang kaniyang magiging bise presidente, iginiit nila na angkop si Singson para sa kaniya.

“Subalit hindi niya kayang gawin ito nang walang kaagapay na isang tunay na public servant na may puso para pagmalasakitan ang ugat ng problema ng bansa. Kaya napili namin si Manong Chavit Singson para maging kaagapay at maging Pangalawang Pangulo ng bansang Pilipinas,” pahayag ng grupo.

Aminado naman ang grupo na hindi pa nila pormal na nakakausap si Singson tungkol sa kanilang pagsuporta rito na tumakbong bise presidente.

“Bagamat hindi pa namin ito pormal na nakakausap, ito ay aming pinagkaisahan. Kami, mga former Marcos loyalists at mga nagkakaisang mamamayan, ay nagkasundo na kung wala pang pormal na deklarasyon para sa Pangalawang Pangulo, ay itinutulak namin si Manong Chavit Singson dahil nakita namin ang kanyang pamumuno sa Ilocos Sur,” ayon sa grupo. — Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News